Tres Queridas (23)
SUMISIKAT na ang araw sa San Ildefonso. Bago nila paandarin ang kotse pabalik ng Maynila, binuksan ni Diana ang trunk nito. Nakalapag doon ang mga gamit ni Carlo na nakuha ng coast guard matapos ma-retrieve ang katawan sa dagat.
Lumapit si Celeste at pinagmamasdan ang mga gamit. Dahan-dahang inilabas ni Diana ang mga laman: isang sirang relo, ilang kupas na resibo mula sa mga gasolinahan sa probinsya, at isang tansong susi na walang anumang marka o keychain.
“Parang may mali,” malamig na bulong ni Celeste. Kinuha niya ang resibo at pinagmasdan ang petsa. “Masyadong perpekto. Bawat gamit na iniwan niya rito, plinano niya para ituro tayo sa maging direksiyon at lituhin.”
Ibinalik ni Diana ang mga gamit sa loob ng bag. Pareho nilang nararamdaman ang bigat ng katotohanan, hindi lang simpleng asawang nagtago si Carlo. Isa siyang lalaking kayang pagsakripisyo ng buhay ng ibang tao, bihisan ito ng sarili niyang mga damit, para lamang maglaho nang tuluyan.
Isasara na sana ni Diana ang trunk nang biglang umilaw at mag-vibrate ang kanyang cell phone. Pangalan ni Lani ang lumabas sa screen. Nagkatinginan sina Diana at Celeste. Ang pader na dating naghihiwalay sa kanila bilang magkaribal ay tuluyan nang nagiba. Ngayon, pareho na silang nakatayo bilang mga tagaprotekta kay Lani.
Pinindot ni Diana ang accept?t inilagay ang tawag sa speakerphone.
“Ate Diana?” nanginginig at pagod ang boses ni Lani sa kabilang linya. “Nakarating na kami sa bahay. Ligtas po ako. Kumusta sa morgue? Siya ba talaga ‘yung nakuha sa dagat?”
Isang mabigat na paghinga ang pinakawalan ni Diana. Tumingin siya kay Celeste. Dahan-dahang tumango si Celeste, isang tahimik na kasunduan na huwag munang bigyan nang matinding stress ang nagbubuntis nilang kasama.
“Malabo pa, Lani,” maingat at malambing na sagot ni Diana habang nakasandal sa malamig na bakal ng sasakyan. “Hindi namin masyadong makilala dahil sa tagal na nito sa tubig. Maghihintay pa tayo ng mas malinaw na resulta bago tayo makasiguro. Ang mahalaga, magpahinga ka muna. Pabalik na kami ng Maynila.”
“Sige po, Ate. Mag-iingat kayo sa biyahe,” sagot ni Lani bago naputol ang linya.
Ibinulsa ni Diana ang phone at isinara ang trunk. Sumakay sila sa kotse at binuhay ang makina. Sa kanilang pag-usad ?alabas ng San Ildefonso, bitbit nilang dalawa ang nakakakilabot na lihim na kailangan nilang harapin pag-uwi.
(Itutuloy)
- Latest


















