^

Punto Mo

EDITORYAL — Korapsyon sa BFP, sawatain ni Remulla!

Pang-masa

MATINDI pa sa mapaminsalang apoy ang nagaganap na katiwalian sa Bureau of Fire Protection (BFP). Nasa 200 personnel ng BFP, kabilang ang mga regional director, ang iniimbestigahan ngayon dahil sa “slot-for-sale” scheme.

Ayon kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, umaabot sa P100,000 hanggang P800,000 ang ibinabayad ng aplikante kapalit ng puwesto sa BFP. Grabe ang nangyayaring ito na masahol pa sa mapaminsalang sunog!

Kung mapatutunayan, hindi lamang ito simpleng recruitment anomaly. Maaaring maging simula ito ng isang cycle ng korapsyon sa loob mismo ng BFP.

Isipin ang isang aplikanteng naglabas ng kalahating milyon para lamang magkaroon ng trabaho. Kapag nakapasok ang aplikante, tiyak na babawiin niya ang perang ibinayad. Iyon ang tanging paraan niya!

Ito ang panganib kapag ang trabaho sa gobyerno ay ginagamitan ng “puhunan”. Sa halip na serbisyo publiko ang unang isipin, maaaring maging prayoridad ang pagbawi sa mga ginastos.

Mas nakababahala dahil hindi lamang slot-selling ang alegasyon sa BFP.

Ayon kay Remulla, kabilang din sa mga iniimbestigahang questionable practices ang umano’y kickbacks sa procurement at dagdag na bayad kaugnay ng fire inspections.

Sa 2026 recruitment, mahigit 23,000 aplikante ang nag-aagawan sa mahigit 2,500 posisyon. Sa ganitong kompetisyon, dapat malinaw na kuwalipikasyon at merit lamang ang basehan ng pagpili.

Kapag nabibili ang posisyon, hindi lamang nalalamangan ang mas kuwalipikadong aplikante, nalalagay din sa panganib ang integridad ng buong serbisyo.

Kailangan ang masusing imbestigasyon, ngunit mahalagang tandaan na alegasyon pa lamang ang mga ito. Dapat mapatunayan kung sino talaga ang sangkot at mapanagot ang mga responsable, habang pinoprotektahan ang mga inosente.

Ang BFP ang ahensiyang inaasahang umapula sa sunog bago ito lumaki. Ganoon din dapat ang gawin nito sa korapsyon. Bago pa tuluyang makatupok ang korapsyon sa BFP na maaring ikabagsak nito, todong paglilinis ang gawin ni Remulla at hindi “ningas kugon” lamang.

Ilang taon nang nababalita ang korapsyon sa BFP subalit ngayon lamang ito napagtuunan ng pansin. Hindi puwede ang pawang banta sa mga nangyayaring korapsyon sa BFP. Gawin ni Remulla ang lahat nang paraan. Hindi puwede ang pawang salita lang. Aksiyon ang kailangan. Huwag hayaan ni Remulla na tuluyang lamunin ng katiwalian ang BFP.

CORRUPTION

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with