Imago (74)
NANG maubos ni Maya ang tsaa, pinalitan ng isang kakaiba at mabigat na init ang panginginig ng kanyang katawan. Ang init ay dahan-dahang gumapang mula sa tiyan patungo sa kanyang mga bisig at binti, na tila nag-aalis ng lahat ng natitirang lakas sa kanyang mga kalamnan.
Napahilig ang kanyang ulo sa malamig na bintana ng sasakyan.
Sa kanyang pagnanais na manatiling gising, pilit na hinawakan ni Maya ang pipe wrench sa kaniyang tabi, ngunit ang kaniyang mga daliri ay tila ayaw nang sumunod. Naging napakabigat ng kanyang mga talukap. Ang paulit-ulit na pagpunas ng wipers sa windshield ay nagsimulang bumagal sa kanyang paningin at pakiramdam, mula sa mabilis na kumpas patungo sa isang mabagal at nakalilitong ingay.
Dahil lang ba ito sa matinding pagod? O may iba pang nakatago sa tsaa na kanyang ininom?
Bumuhos ang matinding kaba sa kanyang dibdib, ngunit wala na siyang lakas upang galawin kahit ang kalingkingan. Sa pamamagitan ng kanyang lumalabong paningin, naaninag niya si Elena na tumitingin sa kanya sa pamamagitan ng rearview mirror.
“Pumikit ka na,” narinig ni Maya ang boses ni Elena. Ang tunog niyon ay tila nagmumula sa napakalalim na tubigan, mabuway, malayo, at hindi maunawaan kung ito ba ay isang banayad na paalala ng pag-aalala o isang pagtataksil.
Sinubukang magsalita ni Maya, ngunit ang kanyang dila ay naging napakapal.
Ang mga ilaw sa kalsada ay tuluyang naghalo sa gitna ng dilim. Ang mga anino sa loob ng sasakyan ay nagsimulang lumawak hanggang sa tuluyang kainin ang kanyang kamalayan, at ang pickup ay patuloy na gumulong patungo sa dalampasigan habang si Maya ay tuluyang lumubog sa isang malamig at walang katapusang kadiliman. (Itutuloy)
- Latest




















