^

Punto Mo

Wanted: Mga lider na may hiya

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

KARANIWAN na ngayon na ilarawan ang matataas na lider sa ehekutibo, lehislatura, at hudikatura na kulang sa hiya o lubusang walang hiya. Ang taong kulang sa hiya o walang hiya ay inilalarawan din na makapal ang mukha, walang delicadeza, walang amor propio, walang palabra de honor. Ito’y mga katangiang tatak ng tunay na Pilipino. Ang tunay na Pilipino ay marunong mahiya.

 May nagsabi sa akin na hindi baleng walang alam, huwag lang walang hiya. Ang problema, marami tayong lider na wala na ngang alam ay hindi pa marunong mahiya. Bistado na sa ginawang katiwalian ay ayaw pang umamin. Nahuli na sa sariling bibig ay lumulusot pa. Katakut-takot na ang ebidensya ay nagmamalinis pa.

 Naalala ko ang tanong noon ni yumaong Presidente Noynoy Aquino kung saan kumukuha ng kapal ng mukha ang mga tiwali.  Sa panahon natin ngayon, tila lalong kumapal ang mukha ng mga tiwali. Tila wala nang natira kahit katiting na hiya. Noon, milyun-milyon lang ang ninanakaw. Ngayon, bilyun-bilyon na.

 Ang konsepto ng hiya ay napakahalagang elemento sa ating pagkakakilanlan, pinahahalagahan, at pakikitungo sa kapwa. Ang hiya ang moral compass na nagtuturo sa atin sa tamang direksyon. Ang hiya ang bumabalanse sa magandang katangian at emosyon; sa karapatan at katungkulan. Kahit alam mong tama ka, hindi mo ito sasabihin sa paraang nakaiinsulto, kasi, nakakahiya naman. Ipinaglalaban mo ang iyong karapatan, pero hindi mo naman isinasaisantabi ang iyong katungkulan, kasi, nakakahiya naman. Pinipilit mong tuparin ang iyong mga pangako, kasi nakakahiya naman sa iyong pinangakuan.

 Ang hiya ay kakambal ng dangal. Ang taong may dangal ay marunong mahiya. Ang walang hiya ay walang dangal. Ito ang dahilan kung bakit ang kawalan ng hiya ang itinuturing na pinakamasamang kapintasan ng isang Pilipino. Ang walang hiya ay itinuturing na iresponsable, hindi mapagkakatiwalaan, at dapat ay ipinupuwera.

Naipapakita rin ang hiya sa pagrespeto sa nakatatanda at otoridad. Hindi masamang punahin ang nasa otoridad, pero dapat gawin sa paraang kapita-pitagan. Kaya malaking isyu ang ginawa ng mga estudyante ng isang pampublikong eskwelahan sa Davao City na pagmumura at paghahangad ng kapahamakan para kay Presidente BBM nang dumalaw ito sa siyudad.

Kung masama para sa isang sibilyan ang kawalan ng hiya, lalo namang masama ito sa isang tao ng gobyerno, lalo na sa isang halal na lider. Ayon sa ating Konstitusyon, public office is a public trust.  Ang opisina ng gobyerno’y nananatili dahil sa pagtitiwala ng publiko. Ang isang halal na lider ay nagbibitiw ng pangako na hindi niya sisirain ang pagtitiwala ng mga mamamayan. Ang pinakamalakas na sisira sa tiwalang ito’y ang kawalan ng hiya.

 May isa akong nadiskubre sa ginaganap na impeachment trial: ang mga career government officials ay hindi lamang matatalino, kundi may hiya.  Sa kabilang dako, may mga halal tayong lider na matatalino nga, pero walang hiya. O kaya’y wala ng talino ay wala pang hiya.

 Sa mga botante ngayon, sana naman, matuto na tayong pumili ng mga lider na hindi lamang matatalino, kundi may delicadeza, may amor propio, may palabra de honor. Sa madaling salita, mga kandidatong may hiya. Mahiya naman tayo sa mga susunod na henerasyon na siyang magdurusa sa nakakahiya nating pagpapasya!

LEADER

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with