Himala: Niligtas sa rumaragasang baha (Part 3)
Sinubukan kong tumawid sa tulay na kawayan. Kahit hindi ko makita ang tulay dahil nakalubog na ito, dahan-dahan kong kinapa ng aking paa. Naroon pa ang mga tulay at hindi naman natangay ng agos. Matibay ang pagkakagawa sa tulay kaya hindi basta-basta natangay ng agos.
Kumapit ako nang todo sa hawakan ng tulay para hindi madulas. Dahan-dahan ang hakbang ko. Kapag nagkamali ako ng hakbang, baka mahulog ako at matangay nang malakas na agos. Napansin ko na lalo pang dumidilim ang langit at nagbabanta ang pagbuhos ng ulan.
Kapag hindi ako nagmadali baka abutan ako nang malakas na buhos at lalong lumaki ang baha.
Nang nasa kalagitnaan na ako, nagsimulang pumatak ang ulan. Minadali ko ang paghakbang. Kumapit ako nang mahigpit sa hawakan. Kapag inabutan ako nang malakas na ulan dito sa gitna, mahihirapan akong makatawid.
Mga ilang hakbang na lang at nasa pampang na ako nang isang malakas at rumaragasang agos ang dumating.
Nakabitaw ako sa pagkakahawak. Lumusot ang paa ko sa tulay. Pero bago ako ganap na sinagasaan ng rumaragasang agos, isang matandang lalaki na may tungkod ang biglang lumitaw sa pampang. Iniabot niya ang tungkod sa akin.
(Itutuloy)
- Latest















