Huwag sukuan ang Pilipinas
PARA makabangon ang ating bansa sa kasalukuyang kalagayan, hindi lamang basta matatalinong lider at mamamayan ang kailangan natin. Kailangan natin ang matatalinong lider at mamamayan na may wagas na pagmamahal sa bansa at ipinagmamalaki ang pagiging Pilipino.
Sa kabutihang-palad, nakita natin ang ehemplo nito, hindi sa isang pulitiko o opisyal ng gobyerno, kundi sa isang atleta sa katauhan ni tennis star Alex Eala na sa tuwing may laban ay parang lumalaban ang buong Pilipinas, at sa tuwing mananalo’y ipinagmamalaki ang pagiging Pilipino.
Sa kasamaang-palad, hindi tayo nakakakuha ng mabuting halimbawa ng tunay na pagmamahal sa bansa mula sa ating mga lider. Habang lumalalim ang imbestigasyon sa maanomalyang mga flood control projects, lalong dumarami ang nasasangkot sa katiwalian mula sa mga Senador, Kongresista, at iba pang opisyal ng gobyerno na ang ninanakaw sa kaban ng bayan ay umaabot sa bilyung-bilyong piso.
Dahil sa napapanood nating impeachment trial laban kay VP Sara, nasaksihan natin ang walang patumanggang paggastos ng milyung-milyong pisong confidential funds. Kung ang mga lider na sangkot dito’y may pagmamahal sa bansa, hindi nila gagastusin ang pera ng bayan sa ganitong pamamaraan. Paano pa ‘yong ibang anomalya sa mga pagawaing-bayan? Paano pa ‘yong posibleng pagwawaldas ng confidential at intelligence funds sa ibang opisina ng gobyerno? Kapag pinagsama-sama ang lahat ng ito, mauuwi tayo sa iisang konklusyon--totoo ngang ang katiwalian ay isa nang kultura sa Pilipinas.
Nakakabigla ang nakaraang pahayag ni VP Sara. Hindi na raw niya maramdaman ang pagiging ligtas saan man siya pumunta. Wala na raw siyang tiwala sa pulis, sa korte, at maging sa mga bantay na nakatalaga upang pangalagaan ang kanyang seguridad. Ito’y kapahayagan ng kawalang tiwala sa buong gobyerno at sa mga tao sa kanyang paligid. Kung ganito ang saloobin ng ikalawang pinakamataas na lider ng bansa, ano pa kaya ang saloobin ng karaniwang mamamayang Pilipino?
Minsan, ibinulalas ng isang sikat na artista, «Pilipinas, ang hirap mong mahalin!» Marahil, maraming Pilipino ang may ganitong damdamin dahil parang hindi tayo natututo bilang isang bansa. Ang mga pulitikong nasangkot na sa katiwalian ay paulit-ulit nating ibinoboto. Ang mga kandidatong walang alam sa paggawa ng batas ay inihahalal natin bilang mambabatas. Ang mga kandidatong walang karanasan sa pamamahala ay iniluluklok natin sa kapangyarihan. Kung higit na nakararaming Pilipino ang tunay na nagmamahal sa bansa, hindi siguro ito mangyayari.
Wika sa akin ng isang kaibigang Hapon, ang talaga raw problema natin ay wala tayong pagmamahal sa sarili nating bansa. Kilala natin ang mga Hapon, talagang mahal nila ang kanilang bansa at handa silang magsakripisyo alang-alang sa kanilang bansa. Ipinagmamalaki nila ang pagiging Hapon.
Sa kabila ng lahat, naniniwala ako na marami pa rin sa ating mga lider at mamamayang Pilipino ang tunay na nagmamahal sa Pilipinas. Huwag nating sukuan ang Pilipinas, sapagkat walang ibang maaaring magmahal sa Pilipinas maliban sa ating mga Pilipino.
Ipagmalaki natin ang pagiging Pilipino, ngunit labanan natin ang mga sumisira sa mga bagay na ating ipinagmamalaki. Labanan natin ang katiwalian, sapagkat likas tayong marangal. Labanan natin ang kasinungalingan, sapagkat likas tayong matapat. Labanan natin ang karahasan, sapagkat likas tayong mahinahon. Labanan natin ang kawalang-malasakit sa kasalukuyan sa pamamagitan ng ating pakikialam para sa kinabukasan!
- Latest
















