Imago (54)
HINDI nagtatakbo si Maya. Alam niyang ang ingay ng kanyang mga tapak sa madilim na pasilyo ay magtuturo sa kanyang kinaroroonan. Sa halip, lumipat siya sa gilid ng pinto at idinikit ang likod sa malamig at magaspang na pader.
Yumuko siya, hinawakan nang mahigpit ang pipe wrench sa kanyang dibdib, at halos pinigilan ang paghinga.
BLAG!
Isang mabigat na kalabog ang umalingawngaw nang tuluyang mabuksan ang ventilation grate. Isang malaking pigura ang marahas na bumagsak sa sahig ng monitoring room, kasabay ng tunog ng nagmamadaling mga yabag.
Narinig ni Maya ang mabigat at marahas na paghinga ng pumasok. At tila galit ito sa bawat pagsinghot ng hangin habang nakikita nitong bakante na ang silid.
Narinig niya ang pagbaliktad ng mga papel sa mesa at ang pagpalo ng kamay sa ibabaw ng mga monitor.
At pagkatapos, tumahimik ang lahat.
Ang katahimikan ay mas nakatatakot kaysa sa ingay. Dahan-dahang lumabas ang mga yabag mula sa loob ng silid. Lumabas ang pigura at tumayo sa mismong pintuan, dalawang talampakan lamang ang layo mula sa kinaroroonan ni Maya. Naaninag ni Maya sa gilid ng kanyang mata ang anino ng lalaking nakatayo sa kadiliman, hawak ang isang mahabang bakal.
Nanginginig ang mga binti ni Maya, ngunit hindi siya gumalaw. Ang kanyang puso ay kumakabog nang napakalakas, na parang kakawala na ito sa kanyang dibdib. Pinalipas niya ang limang pinakamahabang segundo ng kanyang buhay habang ang pigura ay nakatitig sa bakanteng pasilyo. (Itutuloy)
- Latest


















