^

Punto Mo

Kapag gutom ang bukid, gutom ang Bayan

QUESEJODA - Butch M. Quejada - Pang-masa

HINDI lang Isabela ang nakataya kapag tinamaan ng matinding tagtuyot. Ang totoo, bawat butil ng palay na nawawala roon, bawas din sa kanin na napupunta sa hapag ng milyun-milyong Pilipino. Kaya tama lang ang panawagan ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III, hindi sapat ang puro ayuda kapag krisis na. Ang kailangan, seryosong paghahanda bago pa dumating ang sakuna.

Sa pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food tungkol sa El Niño, iginiit ni Dy na dapat unahin ang mga food basket ng bansa gaya ng Isabela. Hindi lang ito usapin ng isang probinsya. Usapin ito ng sikmura ng buong bansa.

Hindi biro ang ambag ng Isabela. Halos 45% ng bigas na kinakain sa Metro Manila ay mula rito. Kapag humina ang ani ng Isabela, ramdam agad ang epekto sa presyo ng bigas at sa bulsa ng ordinar­yong Pilipino. Ang unang sasalo ng pasakit ay ang mga pamilyang araw-araw nang nagkukumahog para maitawid ang pagkain sa mesa.

Kaya hindi dapat hintayin na matuyo ang palayan bago kumilos. Ang tunay na laban ay nagsisimula sa maayos na irigasyon, sapat na suplay ng tubig, suporta sa mga magsasaka, at matitinong proyektong pangmatagalan. Hindi puwedeng puro pangako kapag may kamera, tapos tahimik na ulit kapag tapos na ang krisis.

Sa Isabela, ipinakita na posible ang maagap na paghahanda. Nagkaroon ng mahigpit na koordinasyon ang lokal at pambansang pamahalaan, minonitor ang antas ng tubig sa Magat Dam, inayos ang pagpapakawala ng tubig, at nagbigay ng suporta sa mga magsasaka at mangingisda habang isinusulong ang mga proyektong magpapalakas sa sektor ng agrikultura.

Ayon kay Dy, mas epektibo ang paghahanda kapag magkakasama ang pambansang ahensiya, lokal na pamahalaan, mga tagapamahala ng irigasyon, at mismong mga magsasaka sa iisang layunin.

Sa dulo, hindi lang palay ang ipinaglalaban ng mga magsasaka. Ipinaglalaban nila ang laman ng bawat kaldero sa bawat tahanan. Kapag napabayaan ang bukid, hindi lang magsasaka ang magugutom buong bayan ang magbabayad ng kapalit.

Kaya ang pagprotekta sa mga food basket ng bansa ay hindi dapat tingnan bilang gastos. Isa itong pamumuhunan para matiyak na may pagkain pa ring mailalapag sa hapag ng bawat pamilyang Pilipino.

AGRICULTURE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with