Himala: Kapatid gumaling sa sakit (Last part)
HINDI lang pera ang ipinagkaloob sa amin ng Mahal na Birhen ng Fatima kundi pati na rin ang mahimalang paggaling ni Victor. Wala na ang paglaki ng kanyang puso. Tiniyak mismo sa akin ng doktor. Napansin ko kanina na hindi rin makapaniwala ang doktor sa resulta ng 2DEcho ni Victor. Ilang beses niyang binasa ang result at tiniyak niyang wala nang problema sa puso ang aking kapatid.
Dahil sa labis na kasiyahan, hindi ko alam kung gaano kabilis kong nalakad ang pauwi sa aming bahay. Iglap lang ay nasa pintuan na ako at tinatawag si Victor.
“Buksan mo ang pinto, Victor. Dali at may sasabihin ako sa’yo!”
Mabilis na binuksan ni Victor ang pinto.
“Bakit excited ka Ate?”
Isinara ko ang pinto bago sumagot kay Victor.
“Sino ang hindi magiging masaya at excited kapag nalaman mong wala ka ng sakit?”
“Ako Ate?”
“Oo. Wala na ang paglaki ng puso mo. Tiniyak ng doktor.”
Nagtawa si Victor.
“E di ba sinabi ko na nga sa’yo kanina na wala na akong sakit? Bago ka umalis sinabi kong magaling na ako.”
Napatango ako. Sinabi nga niya iyon.
“Pinagaling ako ng Mahal na Birhen ng Fatima, Ate. Naghimala ang Birhen. Hindi tayo pinabayaan. Dininig ang panalangin natin.”
“Oo, Victor. Pinakinggan tayo ng Diyos. Bukas magsisimba tayo.”
Niyakap ako ni Victor. Ako ay napaluha sa sobrang tuwa dahil sa natanggap na himala.
- Latest

















