^

Punto Mo

AI, rason laban sa online voting

PANDAYAN - Ramon Bernardo - Pang-masa

Isa sa mga biyaya ng makabagong teknolohiya sa kasalukuyan ay ang kakayahan ng mga tao na makipag-ugnayan kahit napakalayo ng distansiya sa isa’t isa. Sa tulong ng computer, smartphone, at internet, naging normal na ang video call, ­teleconferencing, video conference, virtual meeting, online classes, at maging ang work from home. Ilang proseso sa pamahalaan at pribadong sektor ay unti-unti ring lumipat sa digital na paraan ng pagtitipon at pagdedesisyon.

Ngunit kasabay ng mabilis na pag-usad ng digital communication ay ang mabilis ding pag-unlad ng Artificial Intelligence o AI.

Sa mga virtual na pulong at online conference, naging karaniwan na ang sitwasyon na may mga kalahok na hindi pisikal na naroroon ngunit aktibong nakikilahok sa talakayan at pagboto. Dito umusbong ang ideya ng mas malawak na paggamit ng online participation—at sa ilang bansa at institusyon, maging online voting o remote voting.

Sa unang tingin, tila ito ay progresibong hakbang. Mas mabilis, mas maginhawa, at mas inclusive para sa mga hindi makadalo nang personal. Ngunit dito pumapasok ang isang seryosong hamon: ang epekto ng AI sa katotohanan ng identidad.

Tulad sa isang dating simpleng paniniwala na “kapag nakita ko siya sa video, siya na iyon” ay hindi na ganap na totoo sa lahat ng pagkakataon.

Sa kasalukuyan, ang AI ay kayang gayahin hindi lamang ang itsura ng isang tao kundi pati ang kanyang ekspresyon, galaw ng labi at mga mata, at tono ng pananalita. Nakakasagot sa mga tanong gamit ang malawak na datos na nakuha mula sa internet tungkol sa taong ginagaya. Kaya nitong gayahin ang estilo ng pagsasalita, bokabularyo, at maging ang personalidad sa komunikasyon.

Sa usapin ng online voting, mas tumitindi ang panganib. Ang boto ay hindi lamang simpleng input sa sistema; ito ay representasyon ng kalooban ng isang tao sa isang proseso ng demokrasya o organisasyonal na desisyon. Kapag may posibilidad na mapeke ang identidad ng botante o kalahok, naaapektuhan ang integridad ng buong proseso.

Sapat na ba ang “nakita sa Zoom” bilang patunay na  totoong tao ang  kalahok sa pulong o botohan?

Sa panahon ngayon, maraming eksperto sa digital security ang nagsasabing kailangan ng mas mataas na antas ng verification para sa mga sensitibong proseso.

Kaya makatwiran din ang mga nagdududa sa online voting sa mga sensitibong institusyon. Hindi ito simpleng pagtutol sa teknolohiya. Ito ay pagkilala sa katotohanang ang teknolohiya mismo ay nagbago na rin ng kahulugan ng “katotohanan” sa digital na mundo.

Malaking hamon kung paano mapapanatili ang tiwala sa proseso ng pagdedesisyon sa isang panahong ang mukha, boses, at presensya ng tao ay maaari nang kopyahin ng makina. Sa ganitong sitwasyon, ang tanong ay hindi na lamang “nandoon ba siya sa video” kundi “paano natin mapapatunayang siya nga iyon?”

•••••

Email- [email protected]

ZOOM

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with