^

Punto Mo

Senado, tila tele-nobelang walang kwenta

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

NOONG araw, ang Senado ay sangay ng gobyerno na lubos nating nirerespeto. Tahanan ito ng mga pambansang lider na kilala sa katalinuhan, integridad, pagiging makabayan, tagapagtanggol ng kalayaan at demokrasya. Kagalang-galang kung sila’y tawagin, at ito’y isang katawagang buong puso nating tinatanggap dahil kitang-kita naman ang ebidensya ng uri ng karakter, kakayahan at katalagahan ng mga Senador.

Ang mga pangalang Claro M. Recto, Lorenzo Tanada, Jose Diokno, Jovito Salonga, Joker Arroyo­, Raul Roco, Ninoy Aquino, at Miriam Defensor-Santiago ay nakaukit sa tala ng kasaysayan at sa ating puso’t isip. Bawat Senador noon ay kwalipikadong maging Presidente ng Pilipinas. Walang tulak-kabigin!

Ngayon, bumagsak ang reputasyon ng Senado sa pinakamababang antas sa ating kasaysayan na parang isang mataas na gusaling itinumba ng isang malakas na lindol. Mula sa pagiging sentro ng papuri, ang mga Senador natin ay naging tampulan ng pintas, kritisismo, biro, at mga kwentong walang kwenta. May Senador pa na nagtatago, sapagkat pinaghahanap ng batas. Ang mga tagagawa ng batas ay naging pangunahing tagalabag ng batas. Oo, may mga puwede pa ring kabigin, pero mas marami ang dapat itulak!

May mga Senador pa rin na matalino, malinis, at makabayan. Pero ang bilang nila’y natatabunan ng mga Senador na walang alam, iniuugnay sa iba’t ibang kaso ng katiwalian at krimen, at ang katapatan ay iniaalay sa mga taong pinagkakautangan ng loob, sa halip na sa Konstitusyon at Republika ng Pilipinas. May mga Senador na hindi alam kung ano ang trabaho ng isang Senador, para bang pinabili lang ng suka, pero naligaw sa Senado.

Naging tila isang tele-nobela ang kaganapan sa Senado. Kumpleto rekado: may iyakan, aksyon, katatawanan, at romansa. Gayunman, kung ang Senado ay isang tele-nobela, walang kwenta ang script, at ang mga artista ay hindi marunong umarte. ‘Yong Drama Queen ay umiyak na walang luha, ‘yong Action King ay nadapa, ‘yong katatawanan ay nakakaiyak, at ‘yong romansa ay kadiri ang dating.

Ano ang nangyari sa maraming Senador? Bakit nagkaganito? Ang mas mahalagang tanong ay ito: Ano ang nangyari sa mga botanteng Pilipino? Bakit tayo nagkaganito? Kung may kasalanan ang mga Senador na tumakbo kahit walang alam at di-karapat-dapat, lalong may kasalanan ang mga botanteng bumoto sa mga kandidatong walang alam at hindi karapat-dapat.

Nasaan na ang mga botanteng nakapaghalal ng mga Senador na karapat-dapat at kagalang-galang na tulad nina Recto, Tanada, Diokno at Salonga? Namatay na ba silang lahat at napalitan ng mga botanteng hindi nag-iisip at ang pangunahing basehan ng pagboto ay ang popularidad ng isang kandidato? 

Noong nakaraang eleksyon, napakaraming kandidatong karapat-dapat, pero nangulelat. Malungkot tanggapin ang katotohanan, ngunit ang uri ng gobyernong mayroon tayo ngayon ay karapat-dapat lamang sa mga mamamayang hindi nag-iisip.

Ang malungkot, damay pati ang mga nag-iisip, kasi kung isa lang ang nag-iisip at ang sampu’y hindi nag-iisip, ang desisyon noong sampu ang mananaig. Majority wins, kahit ‘yong majority ay malinaw na wala sa hulog.

May pag-asa pa ba tayo sa haharaping eleksyon? Ayon sa COMELEC, mahigit sa 60 porsyento ng mga botante sa 2028 ay mga millennials, mga taong nag-iisip at inaasahang boboto ayon sa plataporma ng mga kandidato, at hindi lamang sa kanilang porma! Tulungan nawa tayo ng Diyos!

SENADO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with