Palanca Awards, bukas na!
Mahigit pitong dekada nang itinuturing na pinakaprestihiyosong timpalak pampanitikan sa bansa ang Carlos Palanca Memorial Awards for Literature. Sa loob ng 76 taon, dito dumaan at kinilala ang marami sa pinakamalalaking pangalan sa panitikang Pilipino tulad nina Nick Joaquin, F. Sionil José, Edith Tiempo, Bienvenido Lumbera, Amado V. Hernandez, Lualhati Bautista, Virgilio Almario, Ricky Lee, Bienvenido Lumbera at Rogelio Sikat. Marami sa kanila ang naging Pambansang Alagad ng Sining at kinikilalang haligi ng panitikang Filipino.
Marami nang nagsulputang ibang literary contest sa Pilipinas ngunit tila hindi makatapat sa reputasyon ng Palanca Awards. Totoo na may ilang patimpalak ngayon na nag-aalok ng mas malaking gantimpalang salapi, pero sa mundo ng pagsusulat, hindi pera lamang ang sukatan ng tagumpay. Para sa maraming manunulat, mas mahalaga pa rin ang pagkilalang kaakibat ng pagkapanalo sa Palanca. Sa larangan ng panitikan, malaking kredibilidad ang maidudulot ng pagkakaroon ng “Palanca winner” sa pangalan ng isang awtor.
May ilang patimpalak din na limitado lamang sa isang rehiyon, paaralan o organisasyon. Ang iba naman ay may espesipikong tema o paksa kaya hindi lubusang malaya ang manunulat sa nais niyang likhain. May mga contest ding nangangailangan munang dumaan sa workshop o screening bago payagang makasali.
Sa Palanca Awards, mas bukas ang timpalak sa iba’t ibang estilo, pananaw at paksang nais talakayin ng mga manunulat basta sumusunod sa mga alituntunin ng paligsahan. Makakalahok kahit sinong Pilipino- bata, estudyante, ordinaryong manggagawa, Overseas Filipino Worker, propesyonal, senior citizen at iba pa.
Mahalaga rin na patuloy na dumarami ang mga timpalak pampanitikan sa bansa dahil mas nadaragdagan ang oportunidad ng mga manunulat, lalo na ng mga baguhan. May mga akdang hindi napapansin sa isang contest ngunit kinikilala naman sa iba. Sa ganitong paraan, mas lumalawak ang espasyo para sa malikhaing pagsusulat sa Filipino, Ingles at mga wikang rehiyonal.
Ngayong 2026, muling binuksan ng Carlos Palanca Foundation Inc. ang timpalak para sa ika-76 na Carlos Palanca Memorial Awards for Literature. Mula Mayo 15 hanggang Hunyo 30, 2026 maaaring magsumite ng lahok sa iba’t ibang kategorya tulad ng nobela, maikling kuwento, tula, sanaysay, dula at dulang pampelikula sa Filipino, Ingles at mga regional language. Mayroon ding Kabataan Division para sa mga kalahok na edad 18 pababa.
Ang mga lahok ay dapat isumite sa pamamagitan ng internet sa website na http://www.palancaawards.com.ph/>. Makikita at makukuha rin sa website na ito ang mga patakaran ng timpalak at entry forms.
• • •
Email- [email protected]
- Latest















