EDITORYAL - Mga dayuhang walang modo
DALAWANG turistang Israeli ang nambato, at nanakit ng mga may-ari ng isang shop sa Siargao kamakailan. Ang dahilan ng kanilang pagwawala? Nakakita sila ng pro-Palestinian flag na nakasabit sa labas ng isang establishment doon. Bukod sa pambabato, sinira rin nila ang CCTV camera sa lugar para pagtakpan ang ginawang kabulastugan.
Ang Siargao ay kilala sa buong mundo dahil sa magandang tanawin, perpektong alon para surfing at higit sa lahat, mababait at friendly ang mga tao. Pero kung ganitong uri ng mga dayuhan ang gagawa ng kawalang-modo sa isla, mabuti pang huwag na silang papasukin sa bansa. Palayasin sila agad-agad!
Hindi porke may pera silang pambili ng tiket at pambayad sa hotel ay may karapatan na silang maghari-harian at saktan ang mga Pilipino sa sariling lupain.
Mismong si Israeli Ambassador Dana Kursh ang nakiusap sa pamahalaan na ipatupad ang batas at arestuhin ang mga abusado at bastos na turista mula sa kanilang bansa. Nakakahiya na ang ambassador pa ang nagmamakaawa na protektahan ang ating mga mamamayan habang ang ilang lokal na opisyal ay tila natutulog sa pansitan. Sabi nga ng Department of Tourism (DOT), handa silang ipagtanggol ang dignidad ng Pilipino. Sana, hindi ito drowing.
Dapat mag-isip ang Land Transportation Office (LTO), Bureau of Immigration (BI), at mga Local Government Units (LGUs) kung paano hihigpitan ang mga dayuhang pumapasok sa mga tourist spots.
Tama ang sinabi ni Solid North Rep. Ching Bernos na dapat protektahan ng LGUs ang kapakanan at kultura ng mga lokal laban sa mga abusadong turista. Huwag hayaan na maging “wild west” ang Siargao kung saan ang mga dayuhan ang may batas.
Ang tanong ngayon: Nasaan na ang mga pulis at Bureau of Immigration? Bakit hanggang ngayon, malaya pang nakapaglalakad ang mga abusadong Israeli? O baka naman ningas-kugon na naman ang imbestigasyon at hihintayin na lang na makalipad pabalik ng kanilang bansa ang mga suspek para takasan ang hustisya?
Huwag nating palampasin ang pangyayaring ito.
Kung hahayaang tapakan ng mga bastos na dayuhan ang dignidad ng mga kababayan, para na ring sinabi na wala tayong halaga sa sariling bayan.
Panagutin at ipakulong ang mga abusadong Israeli! Ang mamamayan ang talo kung mananatiling bahag ang buntot sa mga dayuhang walang modo. Ang aksiyon ng mga kinauukulan ay hinihintay sa pangyayaring ito. Hindi dapat manahimik sa pangyayaring ito. Maaring masundan ito at baka mas malalala pa.
- Latest
















