Healthy lifestyle dapat itaguyod
Sa kamahalan ng pagpapaospital, pagpapatingin sa doktor, gamot, laboratory test at iba pang medical procedure, maraming ordinaryo at mahihirap na Pilipino ang napipilitang humingi ng tulong sa gobyerno, mga pulitiko, kawanggawa at iba pa. Kapansin-pansin ang mga proyekto ng mga alkalde, kongresista, senador at mga ahensiya ng pamahalaan na tumututok sa pangangailangan ng mga taong may problema sa kalusugan. Malaking ginhawa sa pasyente ang pagkakaroon ng guarantee letter na sasagot sa bahagi ng kanyang gastusin sa ospital o kaya ay maipambibili niya ng gamot o kaya pang-dialysis o chemotherapy. Ngunit sa maraming pagkakataon, kulang pa rin ang mga ito para sa tunay na laki ng gastusin.
Pero marahil, bukod sa pagtulong sa pagpapagamot, dapat ay mas maigting ding itaguyod ang malusog na pamumuhay o tinatawag na healthy lifestyle tulad ng tamang pagkain, regular na ehersisyo, sapat na tulog at pag-iwas sa mga bisyong nakasisira sa katawan. Lumalabas kasi na mas nakatuon ang sistema sa panggagamot kapag may sakit na ang tao kaysa sa pagpigil upang hindi siya magkasakit. Tila kapos pa rin sa malawakang kampanya at edukasyon kung paano direktang naaapektuhan ng istilo ng pamumuhay ang kalusugan.
Maraming sakit na karaniwan nang nagpapahirap sa mga Pilipino ang may kaugnayan sa maling lifestyle. Kabilang dito ang hypertension, diabetes, sakit sa puso, stroke, sakit sa atay, kidney disease at ilang uri ng kanser. Malaking porsiyento ng mga sakit na hindi nakahahawa ay may koneksiyon sa pagkain, kakulangan sa galaw ng katawan, paninigarilyo at labis na pag-inom ng alak.
Halimbawa, ang sobrang alat sa pagkain ay nakapagpapataas ng blood pressure. Ang labis na matatamis at matatabang pagkain naman ay may kaugnayan sa obesity at diabetes. Kapag mataas ang cholesterol at asukal sa dugo, tumataas din ang panganib ng pagbabara ng ugat na maaaring humantong sa atake sa puso at stroke. Kahit simpleng paglalakad nang hindi bababa sa 30 minuto kada araw ay sinasabing malaking tulong upang mapanatiling maayos ang sirkulasyon ng dugo at mabawasan ang panganib sa sakit sa puso.
Hindi sapat ang gamot kung hindi babaguhin ang pamumuhay. Kahit pa regular na umiinom ng maintenance medicine ang isang tao, maaari pa rin siyang dapuan ng komplikasyon kung patuloy naman ang paninigarilyo, labis na pagkain at kawalan ng ehersisyo. Sa madaling salita, hindi kayang palitan ng tableta ang disiplina sa katawan.
Dapat marahil na mas palawakin pa ng pamahalaan at mga lokal na opisyal ang kampanya hinggil sa preventive healthcare. Kailangan halimbawa ang information drive, exercise program, paghikayat na kumain ng mas maraming gulay, prutas, at isda at mas maigting na kampanya laban sa bisyo. Hindi sapat ang mga guarantee letter na kulang pa kung tutuusin sa totoong pangangailangan ng pasyenteng Pilipino.
••••••
Email- [email protected]
- Latest















