^

Punto Mo

Hindi saviour ang presidente

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

MAY mahalagang sinabi si dating VP Leni Robredo sa mga kumukumbinsi sa kanya na tumakbo sa pagkapresidente sa eleksyon sa 2028. Ayon sa mga ulat, sinabihan ni Leni, na ngayon ay halal na Mayor ng Naga City sa Bicol, ang kanyang mga taga-suporta na “huwag siyang gawing saviour.”

 Makahulugan ang sinabing ito ni Mayor Leni na maaaring magpaliwanag kung bakit ang Pilipinas ay nananatiling isang bansang tiwali at nangungulelat sa aspeto ng kaunlaran, kaayusan, katahimikan, at katarungan. Sa tuwing magkakaroon ng eleksyong pampanguluhan, ang iniisip natin ay iboto ang isang tagapagligtas, isang super hero na mag-isang lalabanan ang katiwalian, kriminalidad, kahirapan, kawalang-katarungan, at iba’t iba pang mga “halimaw” ng lipunan.

 Ang iniisip nating kailangang maging presidente ay ‘yong kapag may bagyo ay unang lulusong sa baha, ‘yong kapag may gulo ay pumapagitna sa labanan, ‘yong kapag may nahuling abusado sa tungkulin ay kayang magmura, manampal, manuntok, pumatay.

 Bakit nahalal na presidente si Digong Duterte? Sapagkat naniwala ang maraming botante na siya’y saviour, na kayang-kaya niyang lutasin ang ating mga pambansang problema sa pinakamabilis na paraan: wawakasan niya ang droga, katiwalian, kriminalidad, kahirapan, at kawalang-katarungan, sa loob lamang ng kalahating taon.

 Pero anong nangyari? Nang matapos ang kanyang anim na taong termino, hindi natigil ang droga, lalong lumala ang katiwalian, kriminalidad, kahirapan, at kawalang-katarungan. Sinabihan pa niya na mga istupido ang mga naniwala sa kanyang pangako na mag-isa siyang magje-jetski sa West Philippine Sea para itusok doon ang bandila ng Pilipinas bilang paghamon sa pagmamaliit sa atin ng China.

 Parang pelikula! At tila ganyan nga ang turing ng maraming Pilipino sa pamamahala, parang pelikula. Kaya nakakaungos sa eleksyon ang mga sikat na artistang laging bida sa pag?atanggol sa mahihirap at inaapi, at ang mga broadcast journalists na walang takot na tumutuligsa sa harap ng kamera sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno.

 Maraming botanteng Pilipino ay nakasentro sa personalidad ng kandidato, kaysa sa platapormang kanyang isinusulong. Kaya naman ang mga pulitiko rito sa atin ay malayang nakapaglilipat-lipat sa iba’t ibang partido pulitikal. Ang partido pulitikal ay hindi sinusukat sa galing ng plataporma nito, kundi sa dami ng sikat na personalidad na kasama rito.

 Walang dating sa atin ang kandidatong tahimik, kalmado, madiplomasya, at mahusay sa governance o pamamahala. Ang tingin natin ay mahina ang kandidato na ang adbokasiya ay baguhin ang sistema, istraktura at prosesong humahadlang sa pag-unlad at umiingganyo sa katiwalian. Bilib tayo sa kandidatong nagsasabing hawak niya sa kanyang mga kamay ang solusyon sa lahat ng ating problema.

 Pero sa totoo lang, kahit maiupo natin sa Malakanyang ang pinakatapat at pinakamagaling na presidente, hindi tayo makakaahon sa balon ng kahihiyan na ating kinabagsakan bilang isang bansa kung mananatiling bulok ang ating sistema, istraktura, at mga prosesong umiiral sa ating lipunan.

 Tama si Leni, huwag natin siyang gawing saviour. Huwag nating gawing tagapagligtas ang sinumang presidente. Tayo ang sama-samang magliligtas sa ating bansa sa pamamagitan ng pagsunod natin sa sinasabi ng Roma 12:2, “Huwag ninyong tularan ang sanlibutang ito: kundi magbago kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong isip, upang mapatunayan ninyo kung alin ang mabuti, kasiya-siya, at lubos na kalooban ng Diyos.”

LENI ROBREDO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with