EDITORYAL — Mga biktima ng kalamidad meron na bang sisilungan?
HANGGANG ngayon, nagbubuga pa rin ng abo o uson ang Mayon Volcano. Nang pumutok ang bulkan noong Sabado, maraming lugar sa Albay ang napinsala. Kabilang dito ang Guinobatan, Camalig, Ligao City at Daraga. Maraming abo ang bumagsak. Dahil sa rami ng abo, nag-zero visibility sa buong bayan. Maraming motorista ang nahirapang magbiyahe dahil hindi makita ang daan.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology (Phivolcs), magpapatuloy ang pagbuga ng abo kaya pinayuhan ang mga residente na mag-face mask at manatili sa loob ng kanilang bahay upang maiwasan ang masamang epekto sa kalusugan. Maraming bahay ang nanganganib bumagsak dahil sa rami ng abo sa bubong. Ang mga pananim gaya ng palay at mga gulay ay nabalot ng abo. Ang mga kalsada ay nababalot nang makapal na abo kaya nahihirapang dumaan ang mga sasakyan. Gumamit na ng buldoser ang DPWH para maalis ang makapal na abo.
Wala namang naiulat na nasaktan sa pagputok ng bulkan at wala ring naiulat na nawasak ang bahay. Hindi rin naman nagsagawa ng evacuation sa mga residenteng malapit sa bulkan.
Kasabay sa pagputok ng Mayon, lumindol naman sa Eastern Samar. Wala namang nai-report na namatay o nasugatan at wala ring nasirang mga bahay sa magnitude 6.0 na lindol.
Kung nagkaroon ng paglilikas sa mga residente na apektado ng Mayon at sa naganap na lindol sa Samar, problema na naman kung saan sila dadalhin. Walang evacuation center na sisilungan. Kawawa na naman ang mga bata at matanda na magsisiksikan sa covered court at sa mga eskuwelahan.
Hindi lamang ang pagputok ng bulkan ang kinatatakutan ng mamamayan, kundi pati na ang pagdalaw ng mga bagyo. Sa loob ng isang taon, 24 na bagyo ang dumadalaw at pawang mapanira. Halimbawa ang Bagyong Yolanda na tumama sa mga probinsiya sa Visayas noong Nobyembre 2013 na maraming namatay.
Maraming kalamidad ang tumatama sa bansa at sa kabila nito, walang matibay at kumpleto at desenteng evacuation centers sa bawat bayan. Kapag binagyo, binaha, nilindol at pumutok ang bulkan, ang mga pampublikong eskuwelahan ang tinutuluyan ng mga kawawang mamamayan.
Sa nilagdaang 2026 national budget, may nakalaang P3.6 bilyon para sa construction ng mga evacuation centers o ang tinatawag na Ligtas Pinoy Centers. Nasa ilalim ito ng pamamahala ng Department of the Interior and Local Government (DILG). Isakatuparan sana sa lalong madaling panahon ang paglikha sa desenteng evacuation centers upang hindi maging kaawa-awa ang mga biktima ng kalamidad.
- Latest




















