Tinanggal dahil sa poor performance
Dear Attorney,
Inisyuhan ako ng notice to explain ng HR dahil daw sa aking poor performance. Sapat bang dahilan ang poor performance para ako’y tanggalin?—Bernie
Dear Bernie,
Hindi mo inilagay ang dahilan ng pagkakaroon mo ng “poor performance” sa trabaho pero kung titingnan ang mga tinatawag na “just causes” sa ilalim ng Labor Code o yung mga dahilan ng pagkakatanggal na nagmumula sa pagkukulang ng empleyado, kailangang maihalintulad sa tinatawag na gross and habitual neglect of duty ang “poor performance” ng isang empleyado upang ito’y maging dahilan ng pagkakatanggal niya sa trabaho.
Kapag sinabing gross and habitual neglect of duty, kailangan ay seryoso o matindi ang naging kapabayaan ng empleyado. Dapat din na ang kapabayaan na ito ay paulit-ulit at hindi lang isang beses o paminsan-minsan.
Kaya kung hindi naman bunsod ng matinding kapabayaan sa trabaho ang dahilan ng iyong poor performance at ngayon lang bumaba ang performance mo, hindi ito sapat na dahilan upang ikaw ay patawan ng termination.
Sa madaling sabi, hindi awtomatikong batayan ang pagkakaroon ng “poor performance” para tanggalin sa trabaho ang isang empleyado, maliban na lang kung mapapatunayan na ang “poor performance” ay nangangahulugan ng matindi at paulit-ulit na kapabayaan.
- Latest
















