‘Paniki’ (Part 3)
TAKOT na takot ako nang makita ang maraming paniki na nagliparan habang lumulubog ang araw. Nanggaling ang mga paniki sa mga punongkahoy na nasa paligid ng lumang bahay nina Diana.
Nahalata ni Diana ang pagkatakot ko sa mga paniki.
“Huwag kang matakot. Karaniwan na rito ang mga nagliliparang paniki kapag lumulubog ang araw,” sabi ni Diana.
“Hindi ba natin isasara ang bintana, Diana? Baka pumasok dito ang mga paniki.”
“Okey lang pumasok ‘yan. Lalabas din ang mga ‘yan.”
“Di ba pamahiin na kapag daw may pumasok na paniki sa bahay ay may mamamatay?”
“Hindi totoo ‘yun. E di sana, naubos na ang mga tao rito sa aming barangay. Halos gabi-gabi, may pumapasok na paniki sa bahay.”
“Talaga?”
“Oo. Kaya huwag kang kabahan kung may pumasok na paniki.”
Pero kahit sinabi iyon ni Diana, hindi pa rin ako mapakali. Natatakot pa rin ako. (Itutuloy)
- Latest


















