‘Paniki’ (Part 2)
SUMAMA nga ako kay Diana sa kanilang probinsiya sa Mindoro. First time kong nakasakay sa barko na tinatawag na roro. Maraming pasahero, bus at truck ang karga ng roro. Dalawang oras ang biyahe mula Batangas port patungong Calapan City.
Pagdating sa Calapan magbibiyahe ng dalawang oras patungong Socorro. Mula Socorro sumakay kami ng traysikel patungong Bgy. Villareal. Hanggang makarating kami sa ancestral house nina Diana. Lumang bahay na napapaligiran ng mga namumungang puno—langka, duhat suha, sineguelas, makopa, mangga, papaya at iba pa. Nagsawa agad ako sa mga prutas na noon ko pa pinapangarap na kainin.
Kinabukasan, agad akong dinala ni Diana sa Ilog Daan. Napakalinaw ng tubig. Naligo kami kasama ang iba pa niyang pinsan. Ang ilog ay malapit lamang sa bahay nina Diana. Nasa pampang ng ilog ang maraming kawayan. Iyon daw ang proteksiyon kaya hindi bumabaha sa barangay nina Diana.
Ang isang hindi ko nagustuhan sa lugar nina Diana ay ang maraming paniki. Paglubog ng araw, nagliliparan ang mga paniki.
Takot na takot ako! Naninindig ang aking balahibo. (Itutuloy)
- Latest















