EDITORYAL — Buwagin ang PNPA
SA dami ng mga nangyaring karumal-dumal sa Philippine National Police Academy (PNPA) may maghahangad pa bang pumasok dito? May mga baguhang kadete na nalapnos ang ari, balat at iba pang bahagi ng katawan dahil binuhusan ng muriatic acid ng upper classmen. May mga kadeteng pinag-oral sex at may kadeteng namatay dahil sinuntok sa sikmura.
At sa kabila ng mga masasama at karumal-dumal na nangyari sa PNPA noon, walang ginagawang aksiyon ang Philippine National Police (PNP) para matigil ang mga ito. Walang napaparusahan o kung meron man, mga kadete ang napapatalsik subalit ang mga namumuno sa PNPA ay hindi. Hindi nagkakaroon ng imbestigasyon, kaya patuloy ang mga kasamaang ginagawa ng mga kadete sa pagpapahirap sa kapwa kadete.
Noong Abril 3, 2026, 20 kadete ang nalapnos ang katawan matapos pahiran ng pinaghalu-halong kemikal gaya ng muriatic acid. Pinahiran pati umano ang maseselang parte ng katawan ng mga kadete. Nadiskubre umano ng isang cadet guard detail ang insidente sa loob ng Barracks 2 ng PNPA. Tatlong 3rd Class cadet ang sangkot at may pito pang hindi pa nakikilalang mga suspek.
Ayon sa report, nagsimula umano ang hazing matapos sisihin ng mga suspek ang mga plebo kaugnay ng isang 4th Class cadet na balak nang mag-resign. Dahil dito, pinarusahan ang 20 kadete.
Dahil sa pangyayari, sinibak sa puwesto ang pinuno ng PNPA at walong iba pang opisyal kasunod ng imbestigasyon sa umano’y hazing incident. Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, ang sinibak ay si PNPA Director Police Major General Andre Dizon na inaprubahan naman ni PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr. Ipinag-utos ni Nartatez ang imbestigasyon sa iba pang mga opisyal na sangkot.
Hindi ito ang unang pangyayari sa PNPA na nagdulot ng kahihiyan sa academy. Noong October 25, 2018, sinibak ng noon ay DILG Sec. Eduardo M. Año ang pinuno ng PNPA dahil sa “oral sex punishment” at hazing na ipinataw sa mga underclassmen mula sa kanilang senior cadets. Ipinag-utos ni Año ang pagsibak kay PNPA Director, Chief Supt. Joseph Adnol, dahil sa command responsibility.
Noong Marso 2018, 40 kadete ang nasangkot sa pambubugbog sa anim na kadete sa araw mismo ng graduation. Noong 2019, namatay si Cadet 3rd Class George Carl Magsayo nang suntukin sa sikmura ng isang Cadet 2nd Class.
Masusundan pa ang mga kasamaang ginagawa ng mga kadete kung hindi magkakaroon ng top to bottom na paglilinis sa academy. Sibakin lahat ang mga opisyal ng PNPA para mabawasan ang dungis ng akademya. Kung sa kabila ng paglilinis ay maulit ang mga kasamaang ginagawa ng mga kadete, buwagin na ang PNPA.
- Latest















