Pinipilit mag-resign
Dear Attorney,
Pinipilit po akong mag-resign ng aming kompanya. Tatlong taon na po ako sa kanila, pero sinabi nila na hindi na raw nila ako kailangan. Ano po ang maaari kong hingin sa kanila, lalo na’t sila mismo ang nagdesisyon na mag-resign na lang ako? – Jessica
Dear Jessica,
Ang unang maipapayo ko sa iyo, huwag kang mag-resign. Huwag na huwag kang pipirma ng anumang resignation letter o magsalita ng anumang maaaring ipakahulugan na boluntaryo kang aalis sa iyong trabaho. Kung gusto ng iyong employer na tanggalin ka, kailangan na may legal na basehan para sa pagpapaalis sa iyo at dapat na sumunod din sila sa tamang proseso.
Ang dahilang ibinigay nila na hindi ka na nila kailangan ay maaaring maging basehan ng redundancy sa ilalim ng Article 298 ng Labor Code, ngunit para maging valid ang termination dahil sa redundancy, obligado silang magbigay ng written notice sa iyo at sa DOLE nang hindi bababa sa tatlumpung (30) araw bago maging epektibo ang pagpapaalis at kailangan ka rin nilang bayaran ng separation pay na katumbas ng isang buwan na sahod para sa bawat taon ng serbisyo. Ang pagpilit sa iyo na mag-resign ay maaring paraan ng employer para maiwasan ang lahat ng obligasyong ito.
Kung magpapatuloy silang pilitin kang umalis, o gawing hindi komportable ang iyong pananatili sa trabaho, maaaring sabihin na constructive dismissal na ang ginagawa nila sa iyo. Masasabing may constructive dismissal kapag wala ng ibang pagpipilian ang empleyado kundi ang magbitiw sa trabaho dahil sa mga aksiyon na ginagawa ng employer.
Sa ngayon, ang pinakamainam mong gawin ay ang manatili ka sa iyong trabaho, ipagpatuloy ang iyong mga tungkulin, at itala ang lahat ng sinasabi at ginagawa ng iyong employer upang ikaw ay mapilitang mag-resign, kung mayroon man. Kung magpatuloy ang kanilang pagpilit sa iyo, maaari kang magpunta at kumunsulta sa pinakamalapit na tanggapan ng National Labor Relations Commission o ng DOLE ukol sa mga susunod na hakbang na nararapat mong gawin para sa iyong sitwasyon.
- Latest




















