Gawing libre ang kursong Agriculture
KUNG titimbangin ang daloy ng pamumuhay sa ating bansa ay malamang mapiga ang kaalaman ng matatalino nating ekonomista kung saan hahanapin ang tagpuan ng balanseng ipamumuhay ng bawat Pilipino.
Magulo na ang buong mundo dahil sa rami ng tao na ang sandalan ay ang kakayahan sa pamamahala ng kani-kanilang gobyerno tulad ng bansa natin. Ang nakababahala ay wala tayong kakayahang magsarili dahil hanggang ngayon ay umaasa ang bansa natin sa pangungutang. Na ninanakaw naman ng mga mala-demonyong opisyales ng gobyerno.
Mas matinding dagok ang pinapasan natin dahil binabalot na ang buong mundo ng balitang giyera at balitang imposible at kasinungalingan lalo na sa pagsulpot ng makabagong artificial intelligence application sa social media. Nagagawa nitong pagandahin ang pangit na kapaligiran, itsura ng tao, boses at kilos. Nakatago naman ang ganda ng kalikasan at agrikultura na siya nating yaman.
Maganda naman ang makaagapay tayo sa makabagong teknolohiya pero marapat din na timbangin ang makabubuti sa makasasama. Kailangan nating kumain!
Naging adelantado na ang ikinikilos ng sangkatauhan magmula sa mga magulang hanggang sa mga batang paslit na maagang natututo ng pagsusugal gamit ang on-line gamings sa internet. Naging kahanay na lamang ng mga estudyante ang kanilang mga teacher sa research activities gamit ang google applications sa internet. Bihira namang makita natin na may kabataang tinuturuan ng titser nila na magtanim ng gulay tulad noong dekada ‘60 hanggang ‘80. Wala na raw kasing bakanteng lote.
Mas mabuting ituon ng gobyerno ang mag-paaral ng libreng kurso sa agriculture sa mga estudyanteng walang kakayahan ang mga magulang na magpaaral sa kolehiyo. Malaking bahagi na rin ng kunsumo natin sa karne, bigas at gulayin ang imported na.
Pahiramin ng lupaing sasakahin ng DENR ang mga makatatapos na eatudyante at ayudahan ng makabagong farm implements. Magpairal lamang ng batas na hindi puwedeng ipagbili o mailipat sa kamay ng mga landlord at housing developers.
Naipagmamayabang natin noon ang mga kabataan nating estudyante sa mga kompetisyon saan mang panig ng mundo dahil sa kanilang kinagisnang talino. Ngayon ay observer at followers na lamang ang karamihan sa kanila. Ibaling na muna ng gobyerno ang interes ng kabataan sa creative agriculture activities. Puwede ‘di ba?
- Latest















