EDITORYAL - Patuloy ang ‘salot’ na e-sabong
NOONG Disyembre 2022, inisyu ni President Ferdinand Marcos Jr. ang Executive Order No. 9 na nagsususpinde sa e-sabong. Sakop ng EO ang suspensiyon sa live streaming ng live cockfights sa labas ng cockfighting arenas na pinagdarausan ng sabong. Bawal din ang online/remote, o off-cockpit wagering/ betting sa live cockfighting matches.
Pero sa kabila ng kautusang ito, patuloy pa rin ang e-sabong. Walang ipinagbago at naging talamak pa. Marami pa ring sinisirang kinabukasan. Maraming nalululong. May ginang pa nagbebenta ng anak para lamang may maitaya sa e-sabong.
At habang patuloy ang e-sabong, lumalabo naman ang pag-asa ng mga kaanak ng 34 na sabungeros na nawala noong 2022 na makakamit ang hustisya. Nadagdagan pa ang kanilang pangamba nang hindi madakip ang sinasabing “utak” sa pagkawala ng mga sabungeros na si Atong Ang. Sabi ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla kahapon, nasa Vietnam umano si Ang.
Sa pamamayagpag ng e-sabong, ang Philippine National Police (PNP) ang dapat panagutin. Ang PNP Anti-Cybercrime Group ang may responsibilidad para mapahinto ang e-sabong. Sila ang may kakayahan na matunton ang sites ng e-sabong sa buong bansa.
Pero walang magawa ang Anti-Cybercrime Group sapagkat naglipana ang e-sabong sites na hindi nila ma-block. Pinababayaan ba nila? Ayon naman sa Anti-Cybercime Group, mahigit 7,000 e-sabong sites na ang kanilang na-block mula pa 2022.
Kung marami nang na-block, bakit hanggang ngayon, namamayagpag pa rin ang e-sabong? Ginagawa ba ng Anti-Cybercime Group ang kanilang trabaho? Masidhi ba ang kanilang pagnanais para wakasan ang e-sabong? O ningas-kugon lang ang lahat? Sa umpisa lang sila mahusay.
Sa ilalim ng batas, papatawan nang 20 taong pagkabilanggo at pagmumultahin ng P500,000 depende sa desisyon ng korte ang mga mapatutunayang nag-ooperate ng e-sabong. Ang lahat ng permits at lisensiya na inisyu sa e-sabong operators ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ay idedeklarang walang bisa. Ipinagbabawal din ang pagtatatag at operasyon ng mga sabungan sa layong 500 metro sa residential, commercial area, schools, simbahan at hospital.
Kumilos naman sana ang PNP para ganap nang mapuksa ang e-sabong sa bansa.
Ipatupad ang batas para hindi maakusahan na may pinuprotektahan.
- Latest
















