Lakad o bisikleta kung gas, mahal
Kung kaya at posible naman, magandang alternatibo ang pagbibisikleta o paglalakad ngayong panahong tumataas na naman ang presyo ng gasolina bunga ng gulo sa Gitnang Silangan.
Matagal nang lumalabas sa maraming pag-aaral at inirerekomenda ng mga doctor, scientist at ibang health expert ang paglalakad at pagbibisikleta na ilang uri ng ehersisyo na pampalakas ng katawan at paraan para mabawasan ang panganib sa ilang mga sakit. Ayon naman sa Philippine Heart Association, binabawasan ng araw-araw na paglalakad ang mga peligro sa cardiovascular diseases (CVDs). Mahigit apat sa limang mga kamatayang kunektado sa CVD ay dahil sa atake sa puso at stroke.
Magdala ka lang marahil ng tuwalya o bimpo na pampunas ng pawis habang naglalakad o nagbibisikleta, tubig na panlaban sa dehydration, at nakakalibang din kung magdadala ka ng gadget na magpapatugtog ng masisiglang awitin habang binabaybay mo ang daan patungo sa iyong destinasyon.
Kung walang bisikleta lalo na kung wala kang pambili o hindi marunong gumamit nito, mas mainam ang maglakad na sinasabing pinakamatipid na paraan ng ehersisyo.
Marami na rin namang mga tao ang nagbibisikleta o naglalakad papunta sa kanilang mga trabaho at ginagawa rin ito ng ilang mga estudyante papasok sa eskuwelahan.
Kahit may sarili kang sasakyan, labanan ang tuksong gamitin ito kung kaya rin namang maglakad o magbisikleta. Makakatipid ka na sa gas, maeehersisyo pa ang iyong katawan.
Bagaman naudlot ang pagtaas sana ng pasahe sa mga jeepney, bus at ibang pampublikong sasakyan, hindi imposibleng matuloy ito sa malapit na hinaharap. Pero, tumaas man ito o hindi, praktikal ang paglalakad at pagbibisikleta kung gusto mong makatipid sa gas o kulang ang budget para sa pamasahe.
Kung tutuusin, sa paglalakad, wala kang poproblemahing masisikip at buhol-buhol na trapik. Makakalusot ka sa makikitid na daanan. Hindi na kailangang magtiis sa mahahabang pila sa LRT o MRT, maghintay ng jeep o tricycle, at makipagkulitan sa taxi driver na namimili ng pasahero. Mapapansin sa mahahabang trapiko na may mga taong bumababa na lang sa kanilang sinasakyan at pinili na lang nilang maglakad para mas mabilis na makarating sa kanilang destinasyon.
Siyempre pa, aagahan mo lang ang pag-alis mula sa iyong panggagalingan patungo sa iyong destinasyon kung merong hinahabol na oras.
Dahil din sa kabutihan ng paglalakad sa kalusugan, mas inirerekomenda ng mga health expert ang paggamit ng hagdan kaysa elevator paakyat sa matataas na gusali. Sa ilang mga bansa, may mga tao na ginagawang ehersisyo ang paglalakad o pagtakbo sa mga hagdanan ng mga condominium o high rise building. Pampalakas ng puso at pampabawas ng timbang.
- Latest
















