^

Punto Mo

Magkaisa o mapahamak

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

KUNG paniniwalaan natin ang opinyon ng mga socio-poli­tical analysts, nahaharap ang buong mundo, kasama na ang Pilipinas, sa madilim na hinaharap dahil sa giyera sa Middle East sa pagitan ng magkaalyadong Israel at US laban sa Iran.

May mga nagsasabi na mas malala ang magiging pagbagsak ng ekonomiya ngayon kaysa naranasan ng mundo sa panahon ng The Great Depression noong 1929 hanggang 1939 na nagsimula sa US at nagresulta sa malawakang kahirapan dahil sa pagbagsak ng negosyo, pagsasara ng mga banko, at kawalan ng trabaho. Ang The Great Depression ay sinundan ng pagsiklab ng ikalawang digmaang pandaigdig na kumitil ng mahigit sa 70 milyong tao. May kasabihan na, “history repeats itself”. Magdasal tayo na huwag naman sana!

Dito sa atin, pinangangambahan na tuluy-tuloy ang pagtaas ng halaga ng langis na magreresulta sa pagtaas ng presyo ng bilihin, serbisyo, transportasyon, at elektrisidad. Umaasa tayo sa inaangkat na langis dahil wala tayong sarili na katulad ng Indonesia at Malaysia, samantalang ang Thailand ay may 20 porsyentong produksyon ng langis.

Malaki ang iniaambag sa ating ekonomiya ng inuuwing dolyar ng mga OFWs sa Middle East. Gayunman, maaaring maapektuhan ang mahigit sa dalawang milyong kababayan nating nagtatrabaho roon. Napabalita na libu-libo ang planong umuwi muna hanggang mainit ang sitwasyon. Sa 11 bansang bumubuo sa Southeast Asia ay tila tayo ang talagang hindi nakahanda.

Dahil sa lumalalang sitwasyon sa pinanggagalingan ng langis na ating inaangkat, lalong lumutang ang kahalagahan sa atin ng West Philippine Sea (WPS) na ayon sa mga pag-aaral ay may tinatayang 6.2 bilyong bariles ng langis at 12.15 trilyong cubic feet ng natural gas. Sa ngayon, 98 porsyento ng kailangan nating langis ay ating inaangkat.

Ang WPS ang pag-asa natin para magkaroon tayo ng sarili. Nakakalungkot na may isang Senador na nagsabi na para walang gulo ay ibigay na lamang natin sa China ang Kalayaan Group of Islands na bahagi ng WPS. Pagmamahal ba ito sa kapayapaan o simpleng karuwagan?

Anumang malaking krisis ay mapagtatagumpayan ng isang bansa kung nagkakaisa ang mga lider at mamamayan nito. Ito ang malaki nating problema, tayo’y isang bansang watak-watak na parang pinasabog ng bomba. Ang pagkakawatak-watak natin ay nagsisimula sa matataas nating lider.

Ang ating Presidente at Bise Presidente ay nag-aaway. Ang mga Senador natin ay nagbabangayan. Ang mga Kongresista natin ay nabibilang sa iba’t ibang partido na nagsusulong ng kanya-kanyang interest. Iniuugnay ang matataas nating lider sa malawakang katiwalian. Kung nag-aaway-away ang mga lider ng isang bansa, magkakasundu-sundo ba ang mga mamamayan nito?

Dalawang libong taon na ang lumipas ay sinabi ni Hesus ang ganito, “Ang bawat kahariang naglalaban-laban ang mga mamamayan ay babagsak, at alinmang bayan o sambahayang sila-sila ang naglalaban ay mawawasak,” Mateo 12:25. Tiyak na kapahamakan ang kahahantungan natin kung mananatili tayong watak-watak. Alin lamang sa dalawa: magkaisa tayo o tuluyang mapahamak.

Ito ang pinakamalaking hamon sa ating mga lider--ang sila’y magkaisa muna para mapagkaisa nila ang mga Pilipino. Upang magawa ito, kailangang lunukin nila ang kanilang pride, limutin ang sarili, at sumunod sa utos ng Diyos. Totohanin nawa nila ang nakasulat sa ating perang papel, “Pinagpala ang bayan na ang Diyos ay ang Panginoon.”  

MIDDLE EAST

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with