Gasolina na ang kumakain sa buhay
HABANG pataas nang pataas ang presyo ng gasolina, pababa naman nang pababa ang hininga ng karaniwang Pilipino. Hindi na ito simpleng abala isa na itong dagok na diretso sa sikmura. Pamasahe, pagkain, kuryente lahat sabay-sabay sumisipa. Yung sahod? Ganun pa rin. Parang nakatali.
Sa totoo lang, hindi na puwedeng “bahala na ang merkado”. Kasi habang naghihintay ang gobyerno, ubos na ang pasensya at laman ng bulsa ng tao. Kailangan ng aksyon hindi bukas, kundi ngayon.
Unahin ang dapat unahin ang mga nasa laylayan at sng middle class na sila halos ang pumapasan ng buwis para sa gobyerno na unang tinatamaan. Bigyan ng ayuda ang mga pamilyang kapos na kapos na. Bantayan ang mga kumpanya ng langis hindi puwedeng tahimik lang habang may umaabuso. At kung talagang gipit ang sitwasyon, bakit hindi pansamantalang tanggalin ang buwis sa gasolina? Hindi ba’t para sa tao dapat ‘yan?
Pero huwag din tayong magbulag-bulagan hindi ito matatapos sa band-aid solution. Kung taun-taon ganito ang eksena, malinaw na may mali sa sistema. Hangga’t nakaasa tayo sa inaangkat na langis, lagi tayong dehado. Kailangan bilisan ang pag-shift sa renewable energy, tigilan ang mga polisiyang mas pabor sa malalaki kaysa sa maliliit.
Sa dulo, hindi lang ito usapin ng gasolina. Usapin ito ng kung sino ang pinapasan ang bigat yung may kaya ba, o yung araw-araw nang halos gumagapang? Dahil kung ang sagot ay ang mahihirap na naman, aba, mali na ‘yan.
Kung walang matapang na desisyon ngayon, hindi lang presyo ang tataas pati galit ng tao.
Disklaymer: Ang artikulong ito ay opinyon ng may-akda at layong magbigay ng pananaw sa kasalukuyang isyu. Wala itong layuning manira o mag-akusa laban sa anumang indibidwal o institusyon.
- Latest
















