^

Punto Mo

“Bulag-Bulagan”

QUESEJODA - Butch M. Quejada - Pang-masa

MAY kakaibang sakit na matagal nang kumakain sa loob ng ating sistema hindi ito nakakahawa, pero parang epidemya ang epekto. Ang tawag dito, bulag-bulagan ng awtoridad!

Sa Philippines my Philippines, hindi naman talaga nawawala ang mga kilalang kriminal. Hindi sila multo. Hindi sila nagiging hangin. May pangalan sila, may mukha, may galaw. Kilala ng tao sa kanto, kilala ng mga tsuper, kilala ng mga tindera sa palengke. Pero nakapagtataka parang hindi sila kilala ng mga dapat humuli sa kanila.  Paano nangyayari iyon?

May mga taong wanted sa pagpatay, sa pandarambong ng kaban ng bayan, sa pananakot sa mga saksi pero nakakapagpakita pa sa kung saan-saan. Minsan nasa negosyo, minsan nasa pulitika, minsan parang VIP pa sa mga pagtitipon. Samantalang ang ordinaryong tao, isang maliit na kaso lang, kayang dakmain sa loob ng ilang oras.

Ibig sabihin, hindi problema ang kakayahan. Ang problema, kung kanino ginagamit ang kaka­yahang iyon.

Sa kanto, simple ang tanong ng tao kung kilala ng lahat kung sino ang salarin, bakit parang ang hirap-hirap silang hulihin?

Hindi naman bobo ang publiko. Alam ng tao kung kailan may seryosong paghahanap at kung kailan parang palabas lang ang operasyon. Minsan nga, parang may kakaibang eksena yung maliliit na kriminal, mabilis ang aksyon. Pero kapag malalaking pangalan na ang usapan, biglang bumabagal ang makina ng hustisya.

Ika nga, parang may preno!

Hindi natin kailangang magbanggit ng pangalan para maintindihan ang punto. Ang tanong dito ay prinsipyo kung ang batas ay para sa lahat, bakit may mga taong tila may sariling bersyon ng batas?

Masakit man aminin, pero rito nasusukat ang tunay na tapang ng institusyon. Hindi sa dami ng nahuhuling maliit na isda, kundi sa kung kaya nitong dakmain ang mga pating na matagal nang lumalangoy sa madilim na bahagi ng dagat ng kapangyarihan.

Sa huli, hindi galit ang nagtutulak sa ganitong panawagan. Pagod na rin ang publiko sa paulit-ulit na eksena: may kaso, may warrant, may press conference tapos wala namang nangyayari.

Ang gusto lang ng tao ay simple: kung may batas, ipatupad. Kung may sala, panagutin. At kung may mga kriminal na kilala ng buong bayan, huwag na sanang umabot sa puntong mas alam pa ng kanto kung nasaan sila kaysa sa mga opisyal na may tungkuling hulihin sila.

Dahil sa isang lipunang seryoso sa hustisya, hindi dapat ang mga kriminal ang malaya habang ang batas ang mukhang nakaposas.

Disklaymer:  Ang artikulong ito ay isang opinyon na tumatalakay sa pangkalahatang isyu ng pagpapatupad ng batas at pananagutan sa lipunan. Wala itong layuning tukuyin o paratangan ang sinumang partikular na tao o institusyon. Ang mga pahayag ay nakabatay sa pananaw at pagsusuri sa mga isyung madalas na tinatalakay sa publiko hinggil sa hustisya at pamamahala.

SISTEMA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with