‘Salamin’ (Last Part)
ISANG gabi pasado alas otso, abala ako sa pag-eempake ng aking damit sa maleta dahil luluwas na kami sa Maynila kinabukasan. Si Cristy ay nasa banyo.
Hindi ko makita ang isa kong underwear. Natatandaan ko, nilabhan ko iyon. Bigla kong naalala na isinampay ko nga pala iyon malapit sa banyo sa ground floor.
Nagmamadali akong bumaba. Nakuha ko ang underwear sa pagkakasampay. Nang umaakyat na ako sa hagdan, napasulyap ako sa salamin. Hindi ako makapaniwala sa nakita—sina Lolo Fernan at Lola Elisa ang aking nakita. Nakangiti sila sa akin.
Sa halip na matakot, pinagmasdan ko ang dalawang matanda. Napakasarap ng kanilang mga ngiti. Hanggang sa unti-unti silang mawala sa salamin.
Masayang-masaya ako. Hindi ko maipaliwanag.
Nang pumasok ako sa aming kuwarto, takang-taka si Cristy.
“Bakit ang saya-saya mo yata, Karina?”
“Nakita ko sina Lola Elisa at Lolo Fernan!”
“Saan?”
“Sa salamin—magkasama sila.”
“Talaga?”
“Nakangiti sila sa akin—napakatamis ng ngiti.”
“Ngayon lang sila nagpakita na magkasama. Ano kaya ibig sabihin?”
Kinabukasan, nalaman namin mula sa mama ni Cristy na kahapon pala ang petsa nang unang magkakilala sina Lolo Fernan at Lola Elisa. Talagang love na love nila ang isa’t isa.
Hindi ko malilimutan ang pangyayaring iyon. Hanggang ngayon, parang nakikita ko pa sila. Napakadakila ng kanilang pag-iibigan.
- Latest
















