^

Punto Mo

Walang overtime pay

DEAR ATTORNEY - Atty. Aeron Aldrich B. Halos - Pang-masa

Dear Attorney,

Naka-work from home po ako ngayon at pareho lang naman ang trabaho ko sa ibang mga empleyado sa pinapasukan ko. Sinasabi po ng HR na hindi raw ako entitled sa overtime pay dahil remote worker ako. Tama po ba iyon? – Kaye

Dear Kaye,

Hindi awtomatikong nawawala ang karapatan sa overtime pay dahil lamang sa work-from-home arrangement. Nakasaad sa Article 87 ng Labor Code na ang mga rank-and-file employees ay may karapatan sa overtime pay kapag sila ay nagtrabaho nang lampas sa walong oras sa isang araw. Mapapansin na walang distinction o pagkakaiba pagdating sa pagkakaroon ng karapatan para sa overtime pay; basta’t rank and file employee at higit na sa walong oras na ang iyong pagtatrabaho, kailangang kang bayaran ng overtime.

Ang prinsipyo ng pantay na pagtrato para sa empleyadong work from home ay malinaw ding kinikilala sa Telecommuting Act o Republic Act No. 11165 at sa Implementing Rules and Regulations nito. Ayon sa Section 8 ng IRR ng batas na ito, dapat tiyakin ng employer na ang telecommuting employees ay binibigyan ng parehong treatment tulad ng mga empleyadong nagtatrabaho sa regular workplace. Kabilang dito ang pagtanggap ng parehong rate of pay at monetary benefits, tulad ng overtime pay, night shift differential, at iba pang benepisyo na ibinibigay sa mga katulad na empleyado sa opisina para sa parehong oras ng trabaho.

Kaya kung ikaw ay isang rank-and-file employee na may fixed working hours at ang trabaho mo ay sinusubaybayan ng employer kahit work-from-home, ang paggawa mo ng trabaho ng lampas sa walong oras ay karaniwang saklaw pa rin ng overtime pay. Hindi maaaring gawing dahilan ng employer ang iyong work-from-home arrangement upang alisin ang mga benepisyo na ibinibigay ng batas sa mga empleyado na gumagawa ng parehong uri ng trabaho sa opisina.

Gayunman, may mga sitwasyon kung saan hindi saklaw ng overtime rules ang isang empleyado. Kabilang sa mga hindi awtomatikong may karapatan sa overtime pay ay mga managerial employees o field personnel na ang oras ng trabaho ay hindi supervised o sinusubaybayan. Ngunit kung ikaw ay rank-and-file at may malinaw na schedule at workload na katulad ng mga office-based employees, ang pagiging remote worker ay hindi sapat na dahilan upang ipagkait sa iyo ang overtime compensation.

Sa madaling sabi, ang work-from-home arrangement ay hindi nag-aalis ng karapatan sa overtime pay kung ikaw ay isang rank-and-file employee na nagtatrabaho ng lampas sa walong oras sa isang araw. Dapat kang tratuhin sa parehong paraan tulad ng mga empleyadong nagtatrabaho sa opisina pagdating sa sahod, overtime pay, at iba pang benepisyo na ipinagkakaloob ng batas. Kung patuloy na tinatanggihan ng employer ang overtime pay sa ganitong sitwasyon, maaari itong kuwestiyunin bilang paglabag sa labor standards.

OVERTIME

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with