^

Punto Mo

Pagbabasa ng libro pampahaba ng buhay

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

LUMILITAW sa dumaraming pananaliksik na ang pagbabasa ng mga aklat ay nagpapahaba din ng buhay. Matagal nang itinuturing ang pagbabasa bilang libangan, pampalipas-oras, o kasangkapan sa pag-aaral, trabaho, negosyo at iba pa. Ngunit ipinapakita ngayon ng agham na isa rin itong tahimik ngunit makapangyarihang puhunan sa kalusugan ng katawan at utak.

Sa isang ulat ng National Geographic, binanggit ang resulta ng pananaliksik mula sa Yale School of Public Health  na ang mga taong regular na nagbabasa ng libro ay nabubuhay nang mas mahaba kaysa sa mga hindi nagbabasa. Ibig sabihin, may sariling ambag ang pagbabasa sa mahabang buhay, hindi lamang bunga ng pagiging edukado o maykaya.

Naniniwala rin ang mga psychologist na ang pagbabasa, lalo na ng kathang-isip, ay nagsisilbing kapalit ng aktuwal na pakikisalamuha sa ibang tao. Kahit nag-iisa, nararanasan ng mambabasa ang mga ugnayan—pagkakaibigan, alitan, pag-ibig, pag-unawa sa damdamin ng iba—sa pamamagitan ng mga tauhan at kuwento.

Sa ganitong paraan, nahahasa ang empatiya at kakayahang umunawa sa kapwa. Sa mundo ng sikolohiya, mahalaga ito dahil ang pakikipag-ugnayan sa lipunan ay kritikal sa malusog na pagtanda. Itinuturing na ngayon ang matinding kalungkutan bilang panganib sa maagang kamatayan, na inihahambing pa ng ilang pag-aaral sa paninigarilyo at labis na katabaan.

Nakatutulong din ang pagbabasa sa pagbawas ng stress. Kapag nalulubog ang isang tao sa libro, pumapasok siya sa estado ng matinding konsentrasyon na kahawig ng pagninilay. Tahimik ang isipan, mabagal ang paghinga, at pansamantalang humihiwalay sa mga alalahanin.

Mahalaga ito sapagkat ang stress ay isa sa pinakamabilis magpatanda sa katawan. Pinapataas nito ang pamamaga sa loob ng katawan, sinisira ang tulog, pinahihina ang resistensiya at nilalaspag ang puso at mga ugat. Sa antas ng selula, may epekto pa ito sa mga mekanismong kaugnay ng pagtanda.

Mayroon ding matibay na ebidensiya na ang pagbabasa ay panangga laban sa paghina ng pag-iisip. Sa isang labing-apat na taong pag-aaral na inilathala noong 2020, lumabas na ang mga matatandang patuloy na nagbabasa at gumagawa ng iba pang mental na aktibidad ay mas mabagal ang pagbaba ng kanilang kakayahang mag-isip.

Ipinaliliwanag ng mga eksperto na sa pagbabasa ay sabay-sabay na naa-activate ang mga network ng utak para sa wika, memorya, atensiyon at imahinasyon. Sa paglipas ng panahon, napapalakas nito ang tinatawag na cognitive reserve, ang kakayahan ng utak na bumawi kapag may pinsala o pagbabago dulot ng pagtanda. Parang may ekstrang reserba ang utak na magagamit kapag humihina na ang ibang bahagi.

Sa isang pag-aaral noong 2022 na pinangunahan ng isang dalubhasa sa sikolohiyang pang-edukasyon, mas gumanda ang working memory at long-term memory ng mga matatandang nagbasa ng mga nobela kumpara sa mga naglutas lamang ng mga puzzle sa wika. Ipinakita rin ng neuroscience na ang pagbabasa ng nobela ay nagpapataas ng koneksiyon sa mga rehiyon ng utak na may kaugnayan sa wika at pagproseso ng pandama, at nananatili ang mga pagbabagong ito kahit ilang araw matapos magbasa.

Ayon sa mga social psychologist, ang mga taong mahilig magbasa ay mas masalimuot ang pagtingin sa lipunan. Mas naiintindihan nila ang mga pagkakaiba-iba ng karanasan at identidad, at mas hindi sila nakakulong sa payak o stereotipong pananaw. Sa panahon ng mabilis at madalas mababaw na impormasyon sa internet, ang pagbabasa ng mahahabang akda ay parang pagsasanay sa mas malalim na pag-iisip.

 

Email: [email protected]

BOOKS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with