‘Itim’ (Part 6)
WALANG umangkin kay Itim. Kaya nagpatuloy ang aming pag-aalaga kay Itim. Lalo pa siyang naging malakas at tila ba hindi napapagod. Parang “superhorse” siya na hindi nakararamdam ng kapaguran.
Kahit ginagamit siya paghahakot ng mga aning palay, mais, saging at niyog sa bayan, hindi siya napapagod.
May pagkakataon pa na ginagamit ni Tatay sa pangangalesa tuwing Linggo. Kapag Linggo ay maraming tao ang nagsisimba sa bayan. Punumpuno ang kalesa ng mga magsisimba.
Dahil doon, malaki ang kinikita ni Tatay sa pangangalesa. Nakakaipon nang malaki si Tatay.
Dahil sa serbisyong hatid ni Itim, hindi kinalilimutan ni Tatay na pakainin ito nang masasarap at masustansiya.
Ang pulot mula sa sugarcane ang paborito ni Itim na kainin. Ito ang regular na pinakakain ni Tatay kay Itim. At kapag nakakain ng pulot o honey si Itim ay lalo pang lumalakas.
Bukod sa pulot, paborito ring kainin ni Itim ang kumpay. Bumibili si Tatay ng mga sariwang kumpay. Nang tumagal, may nagrarasyon na ng sariwang kumpay para kay Itim.
Isang Linggo, sumama ako kay Tatay sa pangangalesa. Pawang mga magsisimba ang aming pasahero. Ilang beses kaming nagbalik-balik para ihatid ang mga magsisimba.
Inabot kami ng hapon dahil sa dami ng mga magsisimba. Malaki ang kinita namin ni Tatay ng araw na iyon.
Ginabi kami sa pag-uwi.
(Itutuloy)
- Latest















