Ang mangkok ng paggalang
NAGDAOS ng isang engrandeng salu-salo ang mayor ng San Aurelio upang salubungin ang mga bagong negosyanteng darating sa kanilang lugar.
Dumalo ang iba’t ibang kilalang personalidad—mga mayayamang negosyante, opisyal ng gobyerno, at mga lider ng komunidad. Ang panauhing pandangal ay si Mang Rodel, isang simpleng pinuno ng tribu mula sa kabundukan na inimbitahan dahil sa kanyang malaking ambag sa pangangalaga ng kalikasan.
Sa gitna ng marangyang bulwagan, sunud-sunod na inihain ang mamahaling pagkain. Isa sa mga inihanda ay isang espesyal na imported na dessert na may kasamang maliit na mangkok ng mainit na tubig at lemon slice.
Ito ay para banlawan ang kutsarita matapos tikman ang matamis na pagkain, ayon sa nakasanayang etiquette ng mga sosyal na pagtitipon.
Hindi pamilyar si Mang Rodel sa ganitong kaugalian. Nang ilapag sa kanyang harapan ang mangkok, inakala niyang ito ay sabaw o inuming pampalinis ng lalamunan matapos kumain.
Masaya niya itong hinigop. Napatingin ang mga bisita sa kanya at nagbulungan. Ang ilan ay halos mapangiti, habang ang iba ay nagulat.
Napansin ito ng mayor. Ayaw niyang mapahiya ang kanilang panauhin, lalo pa’t si Mang Rodel ang dahilan kung bakit nakilala ang kanilang bayan bilang modelo ng pangangalaga sa kalikasan. Kaya agad niyang kinuha ang sariling mangkok at buong kumpiyansang ininom ang laman nito.
Napatigil ang lahat. Maya-maya, ginaya rin ng ibang bisita ang ginawa ng mayor. Nagpatuloy ang kasiyahan sa salu-salo, at si Mang Rodel ay umalis nang may ngiti sa labi, hindi nalalaman na siya’y nailigtas sa kahihiyan.
Sa puntong ito, ang tunay na dangal ay hindi nasusukat sa kaalaman sa etiketa o karangyaan, kundi sa kakayahang magpakita ng paggalang at malasakit sa kapwa, lalo na sa oras na sila’y nangangailangan ng pang-unawa.
- Latest















