Kyusi, security pinakilos!
Hindi biro ang pakiramdam na nasa sariling lugar ka pero hindi ka na kampante. Ito ang sentro ng hinaing ng isang residente sa Barangay Central at Barangay Pinyahan—kaligtasan, kalinisan at unti-unting pagbabago ng kanilang lugar.
Dahil dito, tiniyak ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na paiigtingin ng pamahalaang lungsod ang seguridad sa dalawang barangay.
Aminado ang alkalde na seryoso ang ganitong reklamo. Aniya, walang saysay ang pag-unlad ng lungsod kung ang ordinaryong residente naman ay kinakabahan pag-uwi, paglabas ng bahay o pagdaan sa kalsada. Agad umano siyang humingi ng ulat sa mga kinauukulang tanggapan matapos matanggap ang reklamo.
Batay sa datos ng Quezon City Police District, bumaba ang mga insidente ng nakawan sa Pinyahan. Mula Enero hanggang Agosto 2026, pitong theft case ang naitala kumpara sa 22 noong kaparehong panahon noong 2025. Ayon sa ulat, lahat ng pitong kaso ay nalutas.
Sa Barangay Central naman, pitong theft at tatlong robbery ang naitala sa parehong panahon. Karamihan ay nalutas na, habang ang isang bagong kaso ng nakawan ay iniimbestigahan pa. May natukoy na ring person of interest ang mga awtoridad.
Pero hindi lang krimen ang reklamo. Napansin din ang tambak na basura, mga nagtitinda sa gilid ng kalsada at presensya ng mga pamilyang nananatili sa NIA Road. Ipinaliwanag ng alkalde na marami sa mga ito ay mga pamilyang nawalan ng tirahan dahil sa malaking sunog noong Marso 6 na nakaapekto sa tinatayang 3,000 pamilya.
Karamihan ay nailipat na sa pansamantalang tirahan habang hinahanapan ng permanenteng pabahay. Tinatayang 100 pamilya pa ang naghihintay habang pinoproseso at bineberipika ang kanilang mga claim sa ayuda.
Dito nagiging masakit ang usapan. Sa isang banda, gusto ng residente ng tahimik, malinis at ligtas na komunidad. Sa kabilang banda, may mga pamilyang walang matatawag na sariling bubong matapos mawalan ng tahanan. Kaya kailangang sabay na harapin ng gobyerno ang dalawang problema—kaayusan at awa.
Samantala, pinalakas na ng QCPD ang pagpapatrolya at nagdagdag ng mga tauhan sa NIA Road. Magtatayo rin ng police outpost para mas mabilis ang responde kapag may kaguluhan o krimen. Nilinis din ang lugar matapos matukoy ang isang ilegal na junkshop na sinasabing nakadagdag sa kalat at pagdagsa ng mga namumulot ng basura. May pakikipag-usap din ang lungsod sa mga street vendor upang mailipat sila sa lugar na hindi sagabal sa residente at motorista.
- Latest















