May makukuha bang separation pay kung ‘forced termination’ ang pagtanggal?
Dear Attorney,
Six years na ako sa kompanya. May makukuha po ba akong separation pay kung forced termination ang magiging pagtanggal sa akin? Sinabihan po ako ng HR na tatanggalin na raw ako dahil daw sa aking poor performance sa trabaho. – Margie
Dear Margie,
Sa ilalim ng umiiral na batas, dalawa lamang ang klase ng dahilan para sa termination o pagkakatanggal ng mga regular na empleyado. Ang una ay ang mga tinatawag na authorized causes o ‘yung mga dahilan na hindi bunga ng kasalanan ng empleyado at bagkus ay nagmumula sa kalagayan ng employer o ng kanyang negosyo. Kabilang sa authorized causes ang retrenchment, redundancy, at iba pa.
Ang ikalawang klase naman ng dahilan ng termination ay ‘yung mga tinatawag na just causes. Ito ay ‘yung mga dahilan na bunga ng kasalanan ng empleyado, katulad ng serious misconduct, gross and habitual neglect of duty, at paggawa ng krimen laban sa employer.
Ayon sa iyo ay poor performance ang sinasabing dahilan ng iyong napipintong “forced termination”. Hindi mo idinetalye kung ano ang ibig sabihin ng iyong employer patungkol sa sinasabi nilang poor performance mo.
Sa nakikita ko, maari lamang itong maging dahilan ng iyong pagkakatanggal kung ang iyong poor performance ay katumbas ng gross and habitual neglect of duty. Hindi ito dapat simpleng kapabayaan sa trabaho lamang kaya dapat may pruweba ang employer na ang empleyado ay guilty sa matindi at palagiang pagpapabaya sa kanyang tungkulin.
Kung matatawag na gross and habitual negligence ang iyong poor performance ay maari ka ngang matanggal sa trabaho. Sa ganyang pagkakataon ay wala kang makukuhang kahit ano mula sa iyong employer, kabilang na ang separation pay, bukod sa final pay o ‘yung mga halagang kinita mo na pero hindi pa naibigay sa iyo o na-credit sa iyong payroll account.
Kung ang sinasabing poor performance mo naman ay hindi katumbas ng gross and habitual neglect ay hindi iyan sapat na dahilan para ikaw ay tanggalin. Illegal dismissal kapag ipinilit ng employer ang tinatawag nilang “forced termination” kaya maari kang maghabla para ikaw ay mai-reinstate o kaya’y para ikaw ay mabayaran ng separation pay at ng karampatang backwages.
- Latest















