Pampahaba nga ba ng buhay ang gulay?
Matagal nang itinuturing ng siyensiya at medisina na mahalaga sa kalusugan ang pagkain ng gulay. Sa maraming pag-aaral, ipinapakita na ang diet na sagana sa gulay at prutas ay nakababawas sa panganib ng sakit sa puso, stroke, altapresyon, diabetes, mataas na kolesterol at ilang uri ng kanser. Dahil dito, nabuo ang paniniwala na ang pagkain ng gulay ay hindi lamang pampalusog kundi pampahaba rin ng buhay.
Ngunit kung ikaw ay vegetarian na halos gulay lamang ang kinakain, may katiyakan bang mas hahaba ang iyong buhay? Mas mataas ba ang tsansang umabot ka sa edad na 100 taong gulang? Dito pumapasok ang mas kumplikadong usapin dahil hindi rin iisa ang anyo ng pagiging vegetarian.
May mga vegetarian na ganap na umiiwas sa anumang produktong galing sa hayop. Mayroon kumakain ng isda, o kaya itlog at gatas, at may iba pa na kumakain din ng manok. Dahil magkakaiba ang pinagmumulan ng nutrisyon, hindi rin pare-pareho ang epekto ng bawat uri ng vegetarian diet sa katawan lalo na sa pagtanda.
Sa nutrisyon, matagal nang itinataguyod ng mga eksperto ang konsepto ng balanced diet. Hindi lamang dami ng gulay ang mahalaga kundi ang sapat na protina, bitamina at minerals na kailangan ng katawan. Habang tumatanda ang tao, natural na nababawasan ang muscle mass at humihina ang resistensiya, kaya mas nagiging kritikal ang sapat na protina para sa lakas, galaw at kalusugan ng buto. Ang protinang ito ay karaniwang nakukuha sa karne, isda, itlog at gatas, bagama’t mayroon ding plant-based sources tulad ng legumes, beans, mani at ilang butil.
Isang pag-aaral ng mga Chinese researcher na inilathala noong Disyembre 2025 sa The American Journal of Clinical Nutrition ang nagbigay ng bagong anggulo sa usaping ito. Sinuri nila ang datos ng mahigit 5,200 matatandang Chinese na may edad 80 pataas na kalahok sa Chinese Longitudinal Healthy Longevity Survey mula 1998 hanggang 2018. Layunin ng pag-aaral na alamin kung may kaugnayan ang uri ng pagkain sa tsansang umabot sa napakatandang edad.
Lumabas sa pag-aaral na hindi awtomatikong nangangahulugan ng mas mahabang buhay ang vegan diet sa katandaan. Sa pangkalahatan, mas mababa ang tsansang umabot sa edad na 100 ang mga vegetarian kumpara sa mga omnivore o yaong kumakain ng gulay at karne. Ngunit nang suriin nang hiwa-hiwalay ang bawat uri ng vegetarian, isang grupo lamang ang malinaw na naiiba sa resulta: ang mga vegan ang may mas mababang tsansang maging centenarian, at ang ugnayang ito ay may bigat sa estadistika.
Ayon sa ulat ng sixthtone.com, bagama’t maraming pag-aaral ang nag-uugnay ng vegetarian diet sa mas mababang panganib ng obesity at sakit sa puso, kakaunti pa lamang ang pananaliksik na tumitingin sa epekto nito sa mismong haba ng buhay ng mga matatanda.
Bagama’t mataas sa fiber at mababa sa saturated fat ang karamihan sa vegetarian diet, idiniin ng mga mananaliksik na ang kakulangan sa sari-saring pagkain at mas mababang intake ng protina ay maaaring maging problema sa pagtanda. Ang mahigpit at limitadong uri ng pagkain ay posibleng hindi sapat upang masuportahan ang pangangailangan ng katawan sa huling yugto ng buhay.
Sa huli, hindi sinasabi ng pag-aaral na masama ang gulay o mali ang pagiging vegetarian. Sa halip, ipinapaalala nito na ang mahabang buhay ay hindi nakasalalay sa isang uri ng pagkain lamang. Mas mahalaga anila ang balanseng pagkain na may tamang halo ng pagkaing galing sa halaman at hayop upang mapanatili ang lakas at kalusugan habang tumatanda. Nanawagan din sila ng mas marami pang pananaliksik upang makabuo ng mas angkop na gabay sa nutrisyon ng mga taong nasa huling yugto ng buhay.
-oooooo-
Email: [email protected]
- Latest















