Diploma at modo
NOONG araw, kapag pinagsabihan ang isang tao na walang pinag-aralan, higit na tumutukoy ito sa kawalan ng modo, kaysa literal na kawalan ng tinapos sa pag-aaral. May napakalapit na kaugnayan noon ang mataas na pag-aaral sa mataas na dignidad.
Parang hindi na yata ito totoo. Ngayon, may mga taong kung gaano kataas ang pinag-aralan ay ganoon kababa ang dignidad. May diploma, pero walang diplomasya; may titulo, pero walang modo. May tinatawag tayong mga kagalang-galang dahil sa taas ng posisyon at pinag-aralan, pero hindi naman karapat-dapat igalang. Gaya ng nalalaman natin, ang respeto ay inaani at hindi hinihingi.
Ang mga pinuno at maging ang mga kawani ng ehekutibo, lehislatura at hudikatura ay may matataas na pinag-aralan. Hindi makakarating dito ang mga no read, no write. Gayunman, ang nakagigimbal na mga anomalya ay nagaganap sa tatlong sangay na ito ng gobyerno at ang sangkot ay mga taong may mataas na pinag-aralan.
Garapal ang katiwalian sa Department of Public Works and Highways, Bureau of Internal Revenue, Bureau of Customs, Bureau of Immigration, at Department of Education. Mahirap mapasok sa mga ahensiyang ito, kailangang may magandang academic record at nagtapos sa kilalang mga kolehiyo at unibersidad. Kung ang mataas na pinag-aralan ang sukatan ng pagiging tapat at totoo, ang mga ahensiyang ito ang dapat tanghaling pinakamalinis na tanggapan ng gobyerno.
Ano ang nangyari sa ating mga eskwelahan? Napakaraming nagsisipagtapos taun-taon, pero tila hindi nahuhubog ang mabuting pagkatao ng mga estudyante. Ang layunin ba ng mga kolehiyo’t unibersidad ay makapasa lang sa mga board exams ang kanilang mga graduates, kahit bagsak sa mabuting kaasalan at pag-uugali?
May batas na nagbabalik sa Good Manners and Right Conduct (GMRC) bilang aralin sa K-12 curriculum, gayunman, tila wala itong masyadong epekto sa transpormasyon ng mga estudyante, sapagkat hindi naman seryoso ang pagpapatupad na katulad ng mga araling akademiko.
Gusto mong makakita ng mga Pilipinong may modo, karespe-respeto, tapat, totoo, mataas ang moralidad, may paggalang sa kapwa, at nagmamahal sa Pilipinas? Hindi mo makikita ang mga iyan sa mga airconditioned offices ng gobyerno. Makikita mo ang mga iyan sa mga kanayunan kung saan walang diploma ang higit na nakararami, pero may angking talino’t integridad.
Walang alam na wikang dayuhan, pero ang sinasalita ay ang wika ng puso na puno ng katapatan at katotohanan. Sila’y nagsipagtapos hindi sa University of Harvard, kundi sa University of Hardknocks.
Sa Japan, isa sa mga bansang may napakagaling na sistema ng edukasyon, ang unang itinuturo sa mga bata ay kung paano magmahal sa kanilang bansa at kultura, kung paano mabuhay nang kapaki-pakinabang, may dangal at disiplina. Kaya naman ang mga Japanese ang isa sa pinakadisiplinado’t pinakamarangal na tao sa buong daigdig.
Ang pinakamalaking kabiguan ng sistema ng ating edukasyon ay ang paglikha ng mga Pilipinong magmamahal sa Pilipinas, sa katotohanan, sa katuwiran, at sa katarungan. Wika ng American civil rights activist na si Martin Luther King, Jr., “Pag-unlad ng karunungan, pati na ng pagkatao, ‘yan ang layunin ng totoong edukasyon.”
Malalimang pagbabago ang kailangan sa sistema ng ating edukasyon upang makalikha ng mga Pilipino na hindi lamang matalino, kundi may mabuting pagkatao--maka-Diyos, maka-kapwa, at maka-Pilipinas!
- Latest

















