^

Punto Mo

‘Barko ng kamatayan’ – Tulfo

QUESEJODA - Butch M. Quejada - Pang-masa

HINDI na ito aksidente. Isa na naman itong malinaw na kapabayaan na nauwi sa bangkay.

Sa gitna ng iyakan at dasalan ng mga naulila, tinawag ni Sen. Raffy Tulfo sa totoong pangalan ang MV Tricia Kirsten, floating coffin, isang barkong hindi na dapat pumapalaot, pero pinayagan pa ring maglayag na parang walang bitbit na buhay.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services nitong Enero 28, walang paliguy-ligoy si Tulfo. Diretsahan niyang sinita ang Maritime Industry Authority (MARINA).

Bakit hinayaan? Bakit umabot sa ganito? At sino ang mananagot? Hindi sapat ang “suspension-suspension lang” kapag 18 na ang patay at may mga nawawala pang sampu. Hindi memo ang nawala mga tao.

Mas lalong bumigat ang eksena nang lumabas ang rekord: 32 maritime incidents na ang kinasangkutan ng Aleson Shipping Lines mula 2019.

Tatlumpu’t dalawa. Pero ni isang nakaposas? Wala. Walang nakasuhan, walang nakulong, walang tunay na naparusahan. Kaya hindi na kataka-takang magpatuloy ang kalakaran dahil sa dagat man o sa lupa, kapag walang napaparusahan, tuloy ang kalokohan.

“Ibig sabihin niyan, floating coffins ang mga barko nila,” giit ni Tulfo. At may punto siya. Kung alam mong may depekto, kung alam mong sablay ang safety record, bakit mo pa pinayagang pumalaot? Negosyo ba ‘to o sugal sa buhay ng pasahero?

‘Sa paunang imbestigasyon, lumabas na ang pagkalas ng mga lubid na humahawak sa kargamento ang posibleng sanhi ng pagkawala ng balanse ng barko. Simpleng tanong: sino ang nag-inspect? At kung may nag-inspect nga, talagang nag-inspect ba o pirma lang ang inabot?

Dito muling umingay ang boses ni Tulfo boses ng galit na matagal nang kinikimkim ng mga karaniwang Pilipino. Hindi raw ito dapat maulit. Hindi puwedeng palusot ang kakulangan sa tauhan.

Hindi puwedeng dahilan ang dami ng minomonitor na sasakyang pandagat. Kung kulang ang tao, magdagdag. Kung kulang ang polisiya, patibayin. Kung may pabaya, panagutin.

Matagal nang umiikot sa mga pantalan si Tulfo. Random inspections, walang pasabi, walang pakitang-tao. At ang nakikita niya? Kulang-kulang na life vest, sirang safety protocols, kawalan ng x-ray machines, K9 units, body-worn cameras. Sa madaling salita, butas ang sistema at ang bumabagsak sa butas ay mga ordinaryong Pilipino.

Inamin mismo ng MARINA na kulang sila sa tao at umaabot sa 10,000 hanggang 12,000 sasakyang pandagat ang dapat nilang bantayan. Pero malinaw ang punto ni Tulfo: kapag may namatay na, hindi na puwedeng “kulang kami” ang sagot.

Kaya pinasusumite ni Tulfo ang MARINA ng konkretong ulat lahat nang shipping lines, lahat nang aksidente, at malinaw na sagot kung may naparusahan na ba. Dahil kung wala pa rin, malinaw ang mensahe may mali, at may dapat managot.

Hindi na ito tungkol sa barko. ?indi na ito tungkol sa negosyo.?to ay tungkol sa buhay. At sa Senado, may isang boses na ayaw nang manahimik habang patuloy ang paglubog hindi lang ng barko, kundi ng pananagutan.

MARINA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with