Facebook ban baka malabo
Panukala at pinag-aaralan pa lamang ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center na ipagbawal sa Pilipinas ang Facebook bagaman kinakatigan ito ng Malakanyang.
Ngunit hindi madaling ipagbawal ang Facebook. Sa rami ng gumagamit nito, tiyak na malaki ang magiging epekto sa publiko. Matagal nang bahagi ng pang-araw-araw na buhay ng maraming Pilipino ang Facebook. Ginagamit ito sa komunikasyon, messaging, voice at video calls, pagkuha at pagpapakalat ng impormasyon, negosyo, edukasyon at pakikipag-ugnayan sa mga ahensiya ng pamahalaan at pribadong organisasyon. Halos lahat ng pangunahing tanggapan ng gobyerno, lokal na pamahalaan, paaralan, negosyo at iba pang organisasyon ay may Facebook page. Marami ang doon naghahanap ng impormasyon, anunsiyo at paraan upang makontak ang isang tanggapan o kumpanya. Isa itong murang paraan upang makausap at makita ng mga overseas Filipino worker ang kanilang pamilya sa Pilipinas.
Pero hindi rin maikakaila ang mga panganib na dala nito. Ginagamit ang Facebook ng mga kriminal sa mga panloloko, pagsasamantala, pang-aabuso, at pagnanakaw. Kumakalat din dito ang fake news, disinformation, deepfakes at mapanlinlang na impormasyon. Nanganganib ang mga bata sa cyberbullying, grooming, online sexual exploitation at iba pang uri ng pang-aabuso. Kaya may mga panukala sa Kongreso at pagkilos ng pamahalaan upang higpitan ang paggamit ng social media ng mga menor-de-edad.
Hindi lamang sa Pilipinas pinag-uusapan ang mas mahigpit na regulasyon sa social media. Marami ring bansa ang gumagawa ng mga hakbang upang protektahan ang mga bata at panagutin ang mga social-media company sa mapanganib na content.
Maaari namang ipatupad ang batas laban sa mga gumagamit ng Facebook sa krimen. Maaari ring obligahin ang platform na mabilis na alisin ang ilegal at mapanganib na content at gumawa ng mas mahusay na sistema para protektahan ang mga bata.
Hindi dapat kalimutan na ang Facebook ay isang negosyo lamang ng isang pribadong kumpanya. Maaaring dumating ang panahon na mawala rin ito at mapalitan ng ibang social-media platform. Ngunit habang ginagamit pa ito ng milyun-milyong Pilipino, hindi simpleng bagay na basta patayin ang Facebook.
Maaaring madaling sabihin na ipagbawal na lamang ang Facebook pero paano mapoprotektahan ang mga Pilipino nang hindi kinakailangang alisin ang isang serbisyong ginagamit ng napakaraming tao? Baka mas praktikal ang mahigpit na regulasyon kaysa total ban.
•••••
Email- [email protected]
- Latest















