EDITORYAL — Grade 3 pupils, hindi pa marunong bumasa

LALO pang bumaba ang learning skills at proficiency rates ng mga mag-aaral mula Grade 3 hanggang Grade 12. Ito ang natuklasan sa Second Congressional Commission on Education (Edcom 2) noong Enero 18. Ayon pa sa Edcom 2, 70 percent ng Grade 3 pupils ay hindi marunong bumasa.
Natuklasan din na bumaba sa 19.56 percent ang proficiency sa ginawang 2024 National Achievement Test sa Grade 6 pupils. Ayon pa rin sa Edcom, 1.36 percent lamang ang may “at least proficient” sa Grade 10, at 0.4 percent lamang sa Grade 12, ang may kasanayan sa problem solving, pag-analyze at pag-evaluate ng data para makapag-formulate ng ideas.
Nakababahala ang problemang ito. Kung hindi maiaangat ang kalidad ng edukasyon sa mga bata, ano ang kahaharapin ng bansa. Maraming mangmang. Marami ang walang alam. Simpleng katanungan sa kasaysayan ng Pilipinas ay hindi masagot. Simpleng tanong sa math ay hindi masagot. Pati ang equivalent sa English ng simpleng Tagalog word, hindi rin alam.
Ang kahinaan ng mga estudyante ay minsan na ring tinalakay ng Philippine Statistics Authority (PSA) nang dumalo sa hearing ng Senado noong 2025. Ayon sa PSA, 18 milyon na senior at junior high school students na nag-graduate noong 2024 ang hindi marunong bumasa at makaunawa ng kanilang binasa.
Mariing sinabi ng PSA na may mali sa sistemang ipinatutupad sa DepEd.
Nakita rin ang kahinaan ng mga Pinoy students sa resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA). Kulelat ang mga estudyanteng Pilipino sa mga kumpetisyon na nilalahukan sa ibang bansa.
Malaki ang budget ng Deped ngayong 2026. Nakakuha ang DepEd ng P1.35 trilyon, kauna-unahan sa kasaysayan ng Pilipinas na ang sector ng edukasyon ay napaglaanan nang malaking budget.
Sinabi ni DepEd Secretary Sonny Angara na gagamitin ang budget para makapagbigay ng may kalidad na edukasyon sa mga kabataan sa buong bansa. Magha-hire daw ng mga tutor upang makahabol sa aralin ang mga estudyante. Nasa tamang landas ang DepEd kung matutupad ang mga sinabi ni Angara. Ipursigi niya ito.
Buhusan ng pondo ang pagpapaunlad sa kaalaman ng mga estudyante. Umpisahan ang pag-hire ng mga mahuhusay na teacher. Ang kakulangan ng mga mahuhusay na guro ang dahilan kaya maraming estudyante ang mahihina ngayon.
- Latest















