‘Muning’ (Last Part )
DINALA ng mga pulis ang dalawang magnanakaw sa presinto. Ako ay takot na takot pa rin kahit na nakaalis na ang mga pulis.
Ang kapitbahay kong teacher ang nagpakalma sa akin. Hindi ito umalis hangga’t hindi napapanatag ang aking loob sa pangyayari.
“Mabuti at nagising ka? Kung hindi ay baka napasok ka sa kuwarto at na-hostage.”
“Dahil po sa pusa Mam. Narinig ko ang malakas na ngiyaw ng pusa sa gate.”
“May alaga kang pusa?”
“Hindi ko po alaga. Lagi pong nakatambay sa gate at dun ko pinakakain. Ayaw ko pong papasukin dito sa bakuran at baka dumumi at umihi. Palagay ko po natapakan ng mga magnanakaw ang buntot ng pusa kaya ngumiyaw nang malakas at nagising akong bigla.”
“Aba, niligtas ka pala ng pusa! Kung hindi mo narinig ang ngiyaw, baka napasok ka na rito.”
“Oo nga po Mam. Malaki ang utang na loob ko kay Muning.”
Nang ganap nang nawala ang takot ko sa pangyayari, umalis na si Mam.
Mula noon, pinapasok ko na si Muning sa aking bakuran. Dun ko na siya pinakakain. Hindi na ako nandidiri sa kanyang dumi. Malaki ang utang na loob ko kay Muning.
- Latest




















