Kung nakalilipad lang ang tao
ANO kaya ang pakiramdam na makalipad tulad ng mga ibon. Hindi na kailangang sumakay sa eroplano. Isipin mo na lamang: wala nang trapik, wala nang pila sa LRT o MRT, at wala na ring problema sa pagiging late dahil kaya mong umalis anumang oras at diretso na sa destinasyon.
Kung kaya nating lumipad, baka mabawasan kundi man maglahong ganap ang mga aksidente sa kalsada at pati road rage ay tuluyang mawala. Ngunit hanggang ngayon, nananatiling pantasya lamang ito.
Hindi tayo sina Superman o Darna na basta na lang lilipad kapag ginusto. At ayon sa agham, napakalayo talaga ng katawan ng tao sa kinakailangang disenyo para makalipad.
Baka nga, kung nakalilipad ang tao, normal nang tanawin ito na hindi na itinuturing na meron kang pambihirang kapangyarihan na tulad ng ipinapakita sa mga libro at pelikula.
May mga umuusbong na teknolohiya na nagbibigay-daan sa tao na makalipad nang hindi na kailangang sumakay ng eroplano ngunit karamihan ay nananatili pa rin sa antas ng eksperimento o bihira lang ang nakakagamit dahil mataas ang panganib at napakamahal.
Kabilang dito ang jet pack, glider, wingsuit flying, hang glider, at powered paragliding.
Ayon kay Ty Hedrick, isang biology professor mula sa University of North Carolina sa United States, hindi sapat na kabitan lang ng pakpak ang tao. Kailangang umayon ang laki, bigat, at lakas ng buong katawan sa paraan ng paglipad tulad ng sa mga ibon.
Ibinahagi niya sa Live Science na kung ang isang tao ay may timbang na nasa 70 kilo at taas na humigit-kumulang isa’t kalahating metro, kakailanganin nitong magkaroon ng pakpak na may lawak na halos anim na metro kapag nakabuka—halos kasinghaba ng maliit na sasakyan.
Ang pagtatayang ito ay nakabatay sa mga pag-aaral ng biological aerodynamics, kasama na ang pananaliksik ng mga siyentistang tulad ni Robert Nudds ng University of Manchester.
Kahit magkaroon pa tayo ng ganoong kalalaking pakpak, hindi pa rin sapat iyon. Kailangang mabago ang buong anatomiya ng tao. Ang mga ibon, halimbawa, ay may mga butong may guwang sa loob.
Magaan ang mga ito ngunit matibay, upang hindi bumigat ang katawan habang lumilipad. Konektado pa ang ilan sa kanilang respiratory system, kaya mas mahusay ang pasok at labas ng hangin.
Samantala, mabibigat at solid ang karamihan sa mga buto ng tao. Kung idagdag pa ang laki at bigat ng pakpak, mas lalo lamang tayong babagsak kaysa lilipad.
Ayon naman kay Michael Habib ng Natural History Museum of Los Angeles County, hindi sapat ang ordinaryong balikat ng tao. Para sa nilalang na may tunay na pakpak, kailangan ng espesyal na balangkas na sumusuporta sa pag-angat ng katawan sa ere.
Sa kaso ng mga paniki, ang mismong braso at daliri ang nakaunat para bumuo ng pakpak. Kaya kung magkakaroon ng 20-foot wingspan ang tao, para itong higanteng kamay na nakalatag sa hangin.
Idagdag pa na halos isang-katlo ng bigat ng ibon ay purong muscle sa dibdib at balikat upang kayanin ang paulit-ulit na pagaspas. Samantalang ang katawan ng tao ay hindi dinisenyo para sa ganoong klase ng puwersa.
Kung sakali mang mabago ang ating katawan, magiging kakaiba ang magiging anyo natin: nakausling dibdib, sobrang lawak ng likod, at kalamnan na nakatuon sa paglipad imbes na sa paglakad.
Isa pa: ang mismong pag-alis mula sa lupa. Kahit ang mga ibon, hirap umalpas nang malapit sa lupa dahil kulang ang espasyong kinakailangan ng hangin sa ilalim ng pakpak.
Kung ganoon kalaki ang pakpak ng tao, halos imposibleng makalipad tayo sa pamamagitan lamang ng pagaspas. Kailangan ng magagaan na katawan at napakalalaking pakpak at hindi ang mabigat na anatomiya ng tao.
-oooooo-
Email: [email protected]
- Latest




















