‘Lapis’ (Part 2)
MAY hindi makakalimutang nangyari sa akin noong ako ay nasa high school at may malaking kaugnayan dito ang lapis. Ang pangyayaring iyon ang naging dahilan kung bakit nahumaling ako sa pagkolekta ng mga lapis. Hindi ko mapigilan ang sarili na mangulekta ng mga lapis. Napamahal nang todo sa akin ang mga lapis at siguro ay hindi na ako mapipigil sa pagkolekta ng mga lapis. Sa dami na ng mga naipon kong lapis ngayon, baka maari na akong mapabilang sa Guinness.
Pero bago ako mapabilang sa Guinness, dapat n’yo munang malaman ang nangyari sa akin na may kaugnayan ang lapis.
Nasa fourth year high school ako noon at graduating. Dahil laging busy kami sa nalalapit na graduation, ginagabi ako ng uwi. Kadalasang umuuwi ako ng alas siyete ng gabi.
Pero wala namang problema kahit gabihin ako ng uwi dahil malapit lang sa school ang aming bahay. Sampung minuto ko lang nilalakad ang school mula sa aming bahay.
Ang problema ay madilim ang paglalakad sa kalsada dahil walang ilaw. Bukod dun ay may dadaanan akong kawayanan. Dahil malago ang mga kawayan, lalong naging madilim ang daan.
Pagtapat ko sa kawayanan, nanindig ang aking balahibo. Noon lamang ako nakaranas ng ganun sa tagal na dumadaan doon.
(Itutuloy)
- Latest



















