EDITORYAL — Huwad na kabaitan

HINDI malilimutan ang mga ginawang pambu-bully, pananakot at karahasan ng China Coast Guard (CCG) sa mga sundalong Pilipino at mangingisda sa West Philippine Sea (WPS). Nakatatak na ang mga kasamaang iyon at hindi na mabubura kahit kailan.
Pero may bagong gimik ang China. Noong nakaraang Pasko (Disyembre 25, 2025), tinulungan umano ng CCG at Chinese Navy ang isang mangingisdang Pinoy na nasira ang bangka sa WPS. Binigyan umano ng pagkain at tubig ang Pinoy. Nakipag-ugnayan din daw ang CCG sa PCG sa kalagayan ng Pinoy.
Ayon sa mangingisda na si Larry Tumalis. Umano’y tatlong araw na siyang lulutang-lutang sa karagatan nang makita ang CCG at humingi ng tulong sa mga ito. Pagkatapos tulungan ang Pinoy, ibinahagi ng Chinese Embassy ang video kung saan makikita ang pagtulong ng kanilang People’s Liberation Army Navy.
Subalit sinabi ni PCG at WPS spokesman Commodore Jay Tarriela na hindi umano sila nakatanggap ng prior information kaugnay sa insidente. Ayon kay Tarriela, bagama’t kinikilala nila ang pagmamagandang loob ng People’s Liberation Army Navy ay kailangang ipunto ang ilang bagay.
Hindi umano akma ang ulat na tatlong araw nang nagpapalutang-lutang ang mangingisda, kundi nakatali ito sa payao at naghihintay lamang ng kanilang barko. Iginiit din ni Tarriela na walang lehitimong rason ang barko ng China na manatili sa loob ng ating exclusive economic zone, lalo’t nangyari ito sa layong 71 nautical miles lamang mula sa Silanguin Island sa Zambales.
Mahirap paniwalaan na ang ginawang aksyon ng CCG sa Pinoy na mangingisda ay pagpapakita ng awa. Nakikita namin ang huwad na kabaitan sa ginawa. Peke. Mahirap magtiwala lalo pa’t marami nang insidente ng pambu-bully, pangha-harass at kung anu-ano pang kabuktutan sa mga sundalong Pilipino at sa mga mangingisdang Pinoy ang ginawa noong 2025.
Walang pakundangang binomba ng CCG at Chinese militia ang mga barko ng Philippine Coast Guard (PCG) at mga bangkang pangisda ng mga Pinoy. Maraming beses hinabol at binangga ng CCG ang mga barko ng PCG. Ilang barko ng PCG at BFAR ang nasira dahil sa pagbangga at mapanganib na pagmaniobra. Isang sundalo ang naputulan ng daliri dahil sa karahasan ng mga tauhan ng CCG. Ilang beses gumamit ng laser ang CCG para bulagin ang mga miyembro ng PCG lalo na sa panahong nagdadala ng food supplies para sa mga sundalong naka-station sa BRP Sierra Madre na nasa Ayungin Shoal.
Hindi totoo ang ipinakitang “kabaitan” ng CCG sa Pinoy. Huwad at mapanlinlang na kabaitan. Baka bukas o makalawa, bobombahin uli ng tubig ang mga barko ng Pilipinas. Huwag magtiwala sa China.
- Latest
















