Saludo kay Nepomuceno
HINDI na nagpatumpik-tumpik si Customs Commissioner Ariel Nepomuceno. Nang kumalat ang alegasyon ng iregularidad at muling paglaganap ng smuggling sa mga pantalan, kumilos agad ang liderato. Walang drama, walang patagong areglo diretsahan ang desisyon ipinatanggal sa puwesto ang hepe ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) sa Port of Manila habang isinasagawa ang masusing imbestigasyon.
Ang inalis ay si Intelligence Officer III Paul Oliver N. Pacunayen, hepe ng CIIS Field Station sa Maynila. Ang dahilan: Nabanggit ang kanyang pangalan sa isang liham na ipinadala kay Pres. Ferdinand Marcos Jr., na pirmado umano ng mga opisyal, empleyado, at stakeholders ng Bureau of Customs. Ayon sa liham, may kinalaman daw siya kasama ng iba pa sa muling pagsirit nang malawakang smuggling sa iba’t ibang customs ports sa bansa.
Resulta raw nito butas ang koleksyon, kapos ang kita, at lugi ang kaban ng bayan!
Sa mga panahong uso ang palusot at padrino, ibang klase ang mensaheng ipinadala ni Nepomuceno. Simple at malinaw hindi ka untouchable. Kapag may alegasyon, aalisin ka muna sa puwesto para hindi maimpluwensyahan ang imbestigasyon. Ganyan ang dapat malinis ang proseso, malinaw ang accountability. Hindi ito hatol, pero babala na ang kapangyarihan ay may kaakibat na pananagutan.
Matagal nang bukambibig ang smuggling sa Aduana parang multong paulit-ulit bumabalik. Kaya kapag may lider na handang magputol ng sungay kahit kanino, hindi puwedeng hindi pansinin. Hindi biro ang epekto ng smuggling nababawasan ang pondo para sa serbisyo, nadadaya ang lehitimong negosyante, at taumbayan ang talo. Kaya ang mabilis na aksyon laban sa sinumang nasasangkot kahit pa hepe ay hakbang na dapat palakpakan.
Hindi rin ito usapin ng personalan. Ito’y usapin ng institusyon. Kapag pinabayaan, lalong lalakas ang loob ng mga mandaraya. Kapag pinakita na may ngipin ang pamunuan, titino ang sistema. At dito pumapasok ang pamumuno ni Nepomuceno hindi perpekto, pero may direksiyon linisin ang hanay, ayusin ang koleksyon, at ibalik ang tiwala ng publiko. Sa huli, malinaw ang paninindigan trabaho ang inuuna, hindi barkada. Kung may sabit, haharapin. Kung may duda, sisiyasatin. At kung may kasalanan, mananagot. Kaya oo, saludo sa pamumunong hindi nagbubulag-bulagan at hindi nanginginig kapag kailangang kumilos.
Disklaymer: Ang artikulong ito ay nakabatay sa mga ulat at impormasyong may kaugnayan sa kasalukuyang imbestigasyon. Ang mga binanggit na isyu ay mga alegasyon pa lamang. Ang mga taong nabanggit ay itinuturing na inosente hangga’t hindi napapatunayan ang anumang pagkakasala sa ilalim ng umiiral na batas at tamang proseso.
- Latest















