Mahabang buhay batay sa siyensiya
WALANG iisang tiyak na panuntunan kung paano hahaba ang buhay ng tao. Batay sa siyensiya, posibleng umabot ka lang ng hanggang 120-anyos. May mga naghahangad na maabot ito, may mga kontento na sa itinakdang panahon, at may mga patuloy na umaasa at nagsisikap na madagdagan pa ang mga taon nila sa mundo dahil sa pamilya, pangarap, o tungkulin.
Sa ulat ng National Geographic, ipinaliwanag ng longevity scientist na si Eric Topol na ang mahabang buhay ay hindi lamang nakasalalay sa lahi o genes. Tinatayang humigit-kumulang dalawampung porsiyento lamang ng longevity ang may kinalaman sa lahi samantalang ang mas malaking bahagi ay inuugnay sa pamumuhay, kalagayan sa buhay, at kapaligiran.
Ibig sabihin, kahit may kasaysayan ng kanser, sakit sa puso, diabetes, o Alzheimer’s sa pamilya, hindi awtomatikong nakatakda ang magiging kapalaran ng isang tao. Puwede niya itong mabago.
Isa sa pinakamahalagang salik ay ang regular na ehersisyo na isa sa pinakamabisang depensa laban sa mga sakit na kaugnay ng pagtanda. Ipinapakita ng maraming pag-aaral na ang paggalaw ng katawan ay may positibong epekto sa puso, utak, pancreas, mga kalamnan, at maging sa sistema ng pagtunaw.
Nakikinabang din dito ang liver, body fat regulation, gut microbiome, at mga daluyan ng dugo. Hindi kailangang maging atleta; sapat na ang kombinasyon ng paglalakad, paglangoy, pagsasayaw, yoga, at simpleng strength exercises upang mapanatili ang lakas at balanse ng katawan habang tumatanda.
Malaki rin ang papel ng pagkain sa mahabang buhay. May matibay na ebidensiya na ang diyeta na mayaman sa gulay, prutas, whole grains, legumes, lean proteins, at healthy fats ay nakababawas ng inflammation at nakatutulong sa maayos na blood pressure, cholesterol, at blood sugar control.
Kaugnay nito ang rekomendasyong iwasan ang madalas na pagkain ng ultra-processed foods, na karaniwang mataas sa asin, asukal, unhealthy fats, at additives na may masamang epekto sa pangmatagalang kalusugan.
Hindi rin dapat ipagsawalang-bahala ang sapat at de-kalidad na pagtulog. Sa oras ng tulog, nagpapahinga at nag-aayos ang utak at katawan mula sa mga gawain sa maghapon.
Ipinakikita ng mga pag-aaral na ang kulang o sobra sa tulog ay kapwa may kaugnayan sa mas mataas na panganib ng maagang pagkamatay, sakit sa puso, kanser, type 2 diabetes, obesity, mataas na blood pressure, stroke, at mga problemang pangkaisipan. Ang regular at maayos na tulog ay mahalagang pundasyon ng mahabang buhay.
Idinidiin din ng siyensiya ang kahalagahan ng pakikipagkapwa. Ang matagal na pag-iisa o pagiging socially isolated ay hindi lamang nagpapabigat sa isip kundi maaari ring magpaiksi ng buhay.
Ang pakikipag-usap at pakikisalamuha sa pamilya, kaibigan, kapitbahay, o kahit iilang kakilala ay nakatutulong na makontra ang chronic stress na isa sa mga salik ng maraming karamdaman. Kahit isa o dalawang matibay na ugnayan ay sapat na upang magkaroon ng positibong epekto sa kalusugan.
Kasama rin sa rekomendasyon ang pagkakaroon ng mga hobbies at pagbawas o paghinto sa masasamang bisyo tulad ng alak at sigarilyo.
Ayon sa ilang health organizations, may tendensiyang mas humaba ang buhay ng mga taong may aktibong spiritual life, kabilang ang regular na pagdalo sa mga religious services.
Sa huli, binabanggit din ng siyensiya ang benepisyo ng pagpapatawad. Ang matinding galit at matagal na sama ng loob ay inuugnay sa sakit sa puso, stroke, problema sa paghinga, at iba pang karamdaman.
Ang kakayahang magpatawad ay nakababawas ng anxiety, nagpapababa ng blood pressure, at nagbibigay ng mas magaan na pakiramdam. Sa kabuuan, ang mahabang buhay ay hindi lamang usapin ng bilang ng taon, kundi ng kalidad ng mga araw na ginugol nang may malasakit sa katawan, isip, at ugnayan sa kapwa.
-oooooo-
Email: [email protected]
- Latest















