EDITORYAL - Ibasura ang MAIFIP

NAKASAAD sa Universal Health Care Act na bawat Pilipino ay may karapatan na maka-access sa health care sa pamamagitan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth). Ang PhilHealth ang bahala sa gastusin ng mga Pilipino sa oras ng pagkakasakit.
Subalit may kontrobersiya bagong programa na nilikha ng mga mambabatas na ang bawat benepisyaryo ay kailangan munang kumuha ng “guarantee letters” sa kanilang tanggapan.
Tinawag ang programa na Medical Assistance to Indigent and Financial Incapacitated Patients (MAIFIP). Popondohan ng P51.6 billion—doble sa P24.23 billion na minungkahi ng mga miyembro ng bicameral conference ng 20th Congress.
Bukod sa inaprubahang pondo para sa MAIFIP, may iba pang inaprubang “soft pork” ang mga mambabatas para sa 2026 General Appropriations Bill.
Dahil makontrobersiya ang MAIFIP, 72 medical groups, kabilang ang Philippine Medical Association (PMA) at Philippine College of Physicians (PCP), ang nanawagan na ibasura ito.
Ayon sa grupo, lumilikha ito ng “health pork” na kontra sa Universal Health Care Act at nagdudulot ng hindi pantay-pantay na pag-access sa serbisyong pangkalusugan, na nagpapabigat sa mga ospital at mga pasyenteng indigent, sa halip na bigyang-diin ang diretsahang pondo at benepisyo sa ilalim ng PhilHealth.
Ayon sa grupo ng mga doktor, imbes na direktang benepisyo, ginagawa nitong nakadepende sa “individual discretion” ang pag-access, na tinatanggal ang mga proteksiyon para sa cost-effectiveness at equitable distribution ng benepisyo.
Ayon sa Private Hospitals Association of the Philippines (PHAPI) magdudulot ito ng alalahanin sa operasyon ng mga ospital, lalo na sa charity beds, na nag-iiwan sa pasyente na magbayad ng basic rates kahit sa private rooms.
Naniniwala ang mga grupo na ang sistema ay nagiging “health pork” at hindi naaayon sa diwa ng UHC na dapat ay pantay-pantay at abot-kaya ang serbisyo para sa lahat. Hinihiling ng grupo na direktang pondo sa PhilHealth para sa mga benepisyo at ang pagpapatupad ng Zero-Balance Billing (ZBB) policy na sakop ng PhilHealth para mabawasan ang out-of-pocket expenses ng mga pasyente.
Bagong “pork barrel” ang MAIFIP na binihisan lamang para magmukhang para sa mahihirap at nangangailangan. Sawang-sawa na ang mamamayan sa mga “patagong” pagkakakitaan. Hindi pa natatapos ang maanomalyang flood control projects, meron na namang nakaamba. Ibasura ang MAIFIP.
- Latest


















