^

Punto Mo

Tres Queridas (45)

Ronnie M. Halos - Pang-masa

PINATAKBO ni Jack ang sasakyan nang napakabilis. Sa loob, tila nag-aagaw ang katahimikan at ang nakalulunod na tensiyon. Hindi na nag-uusap sina Diana at Celeste, ngunit ang kani-kanilang mga mata ay nagsusumigaw nang matinding galit at takot. Habang tumatakbo ang sasakyan sa gitna ng gabi, lalong nagiging malinaw sa kanila kung gaano kalikot ang utak ni Carlo.

“Ano ba talaga ang gustong patunayan ng Carlo na yan...” nanginginig na sabi ni Celeste, nakakuyom ang mga palad habang nagpupuyos sa galit. “Kung galit na galit siya kay Daddy, bakit hindi na lang niya ito idemanda at ipakulong... Pati walang kamalay-malay na buntis idinadamay niya.”

“Hindi niya sasaktan si Lani...”  pang-aalo ni Diana­, ngunit basag ang boses at nanginginig ang buong ka­tawan habang nakatitig sa dilim sa labas ng bintana. “Hindi niya magagawa ‘yun...”

Pagkalipas ng sampung minutong tila isang habambuhay na biyahe, nakarating ang sasakyan sa bayan. Ngunit sa halip na sumalubong sa kanila ang karaniwang liwanag sa gabi ng isang maliit na bayan, isang nakatatakot at nakalulunod na kadiliman ang bumungad sa kanila. Wala ni isang ilaw na nakasindi sa mga, tindahan, kabahayan at mga poste!

Ipinasok ni Jack ang sasakyan sa compound ng Rural Health Unit. Ang maliit na ospital, na kanina lang ay maingay at maliwanag, ay nakatayo ngayon tulad ng isang higanteng anino sa gitna ng gabi. Walang ilaw sa emergency room. Walang ilaw sa entrance. Tanging ang dalawang sinag lang ng headlights ng kanilang kotse ang nagbibigay nang matalim na liwanag sa madilim na pader ng gusali. Mabilis na bumaba sina Diana at Celeste bago pa man tuluyang maipatay ni Jack ang makina.

“Bakit walang ilaw?!” sigaw ni Diana habang tumatakbo patungo sa entrance.

Sa gitna ng kadiliman sa loob ng lobby, may sumulpot na isang tauhan ng ospital na may hawak na maliit na flashlight. Halatang nagulat at nag-panic din ito sa biglaan nilang pagdating.

“Ma’am! Pasensiya na po!” humahangos na bati ng lalaki, pilit na iniaayos ang ilaw. “Ganito po talaga tuwing gabi rito, nawawalan ng kuryente ang buong isla!”

Hindi na pinatapos nina Diana at Celeste ang sinasabi ng tauhan.

Binuksan nila ang ilaw ng kani-kanilang cellphone at mabilis na sumugod sa madi­lim at malamig na hallway ng ospital. Ang bawat hakbang ng kani-kanilang mga sapatos sa lumang linoleum ay nag-e-echo sa patay na katahimikan. 

Nakarating sila sa tapat ng silid ni Lani. Bahagyang nakaawang ang pinto. Walang tao sa loob. Wala si Lani sa kama! (Itutuloy)

TRES QUERIDAS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with