Ang Inggitero
ISANG araw, nagulat ang alitaptap dahil bigla siyang hinabol ng ahas. Kaya nagpasya ang alitaptap na kausapin ang ahas habang siya ay nakapuwesto sa mataas na lugar para siguradong hindi siya maaabot nito.
“Kumakain ka ba ng alitaptap?”
“Hindi,” sagot ng ahas.
“Ano ang dahilan at hinahabol mo ako?”
“Gusto kitang patayin.”
“Bakit anong atraso ko sa iyo?”
“Nabubuwisit ako sa iyo tuwing nakikita kitang umiilaw?”
“Bakit?”
“Hindi ko kayang magpailaw ng aking katawan.”
Napangisi ang alitaptap. Sa loob-loob lang niya, “Ganyan talaga kung umaapaw ang inggit sa katawan. Papatay nang walang dahilan.”
Isang araw naisipan ng ahas na umakyat sa puno na laging tinatambayan ng alitaptap. Nagtago ito para paglapit ng alitaptap sa kanyang kinaroroonan ay kakainin niya. Kaya lang nang lalapit na ang ahas sa alitaptap, bigla itong lumipad kaya sa paghabol ng ahas ito ay nalaglag mula sa puno diretso sa net na inilagay ng mga magsasaka. Halos ubusin ng ahas ang mga sisiw sa di kalayuang poultry farm kaya nagpasya ang mga magsasaka na hulihin ang ahas na perwisyo.
Aral: Madalas may mga tao na hindi kayang matanggap na may mas matalino sa kanya; na may mas masipag sa kanya; at may mas naunang i-promote sa trabaho kaysa kanya. Kaya gumawa ito ng isyu laban sa taong kinaiinggitan niya. Kaya lang sa bandang huli, sa inggitero nag-backfire ang ginawa niyang isyu at hindi sa kinaiinggitan niya.
- Latest















