‘Parol’ (Part 1)
KAPAG sumasapit ang Pasko, hindi ko maiwasang maalala ang aking Lolo Fernando. Ama siya ng ating ina. Matagal nang patay si Lolo Fernando, dekada ’70 pa, pero ang alaala niya lalo kung sumasapit ang Pasko ay hinding-hindi ko malilimutan. Senior citizen na ako ngayon pero malinaw pa rin sa akin ang magagandang iniwan ni Lolo sa aming mga apo niya.
May isang kilometro ang layo ng bahay nina Lolo Fernando at Lola Felisa sa aming bahay sa probinsiya. Ang bahay nina Lolo ay sinaunang yari na ang mga bintana ay capiz. Tabla ang dingding. May second floor na ang sahig ay malalapad na tabla na laging makintab. Naalala ko na masarap humiga sa makintab na tabla kahit walang sapin.
Kapag Sabado at Linggo, kaming magpipinsan lima kami ay sa bahay nina Lolo natutulog. Masayang-masaya kami kapag kinukuwentuhan ni Lolo sa balkonahe ng bahay. Habang kinukuwentuhan kami ni Lolo ay nagluluto naman ng masarap na meryenda o mirindal si Lola.
Kapag malapit na ang Pasko, nagpapagawa kami ng parol kay Lolo. Mahusay siyang gumawa ng parol na gawa sa kawayan at papel de japon.
(Itutuloy)
- Latest















