‘Tara’ system sa Port of Manila, kinamumuhian ng stakeholders!
Mukhang nakaiwas sa paglilinis ni Customs Commissioner Ariel Nopomuceno ng kanyang bakuran ang hepe ng isang opisina sa Bureau of Customs na naging sentro ng reklamo ng stakeholders. Ayon sa reklamo, patuloy pa ring pinapatupad ng naturang hepe ang kinamumuhiang ‘tara’ system o unauthorized payments sa importers, brokers, at port stakeholders. Matapos mahirang na Customs Commissioner itong si Nepomuceno, ibinando niya ang paglilinis niya sa graft-ridden BOC subalit may nakailag pa. Pang propaganda lang itong ginawa ni Nepumuceno? Ano sa tingin n’yo mga kosa? Ang masama pa, itong nanggigipit na hepe ng BOC, na binansagan nilang Mr. Panfilo, ay may malapit ding kamag-anak na Customs official? Araguyyy! Hindi pa nga lumalamig ang ‘expose’ ni ex-Bicol Ako Rep. Zaldy Co na may kumikita ng P11 bilyon sa smuggling sa Customs, heto na naman ang bagong delubyo na maaring maapektuhan ang liderato ni Nepomuceno kung hindi siya kikilos laban sa “tara” system na ito ng BOC official. Mismooo! Kasi nga, balak ng mga stakeholders na magsumbong kay Pres. Bongbong Marcos kung hindi ito masasawata ni Nepomuceno.
Para sa kaalaman ni Nepomuceno, itong grupo ni Panfilo, ay nagso-solicit ng “tara” o unauthorized payments mula P5,000 hanggang P20,000 kada containers na lalabas sa Customs compound. Kapag hindi magbigay ang mga stakeholders, may pagbabanta pa ang grupo na maglalabas sila ng Alert Orders o Hold Orders laban sa shipment nila. Saan ang hustisya? ‘Pag nagkataon, itong Alert Orders o Hold Orders ay magresulta ng pagkaantala ng paglabas ng shipment nila ng dalawa hanggang tatlong linggo. Siyempre, magdudulot ito ng pagkalugi dahil magbabayad sila ng storage, demurrage, at examination fees. Get’s n’yo mga kosa? Batay sa pagtaya ng mga stakeholders, aabot sa 40 percent ng daily container arrivals sa Port of Manila ang apektado ng modus ng tropa ni Panfilo. Dipugaaa!
Dahil sa sobrang dami ng cargo na dumadaan sa Port of Manila, lalo na ngayon panahon ng Christmas season, maaring ang ilegal na koleksiyon ng tropa ni Panfilo, ay umabot ng tens of millions of pesos kada linggo. Iniulat din umano na ang naturang ilegal na koleksiyon ay hinahati sa isang senior official ng BOC, na indikasyon na ilang indibidwal ang sangkot dito at nangangailangan ito ng independiyenteng imbestigasyon. Paging Commissioner Nepomuceno Sir! Kaya mo paimbestigahan ‘yang reklamo. Bukod pa sa naturang reklamo, ilang stakeholders din ang nagpahayag ng pagkabahala hinggil sa mga alegasyong nagkakaroon din umano ng iregularidad sa pagwasak ng mga nakumpiskang goods na maaaring hindi tunay na sinisira sa dalawang pasilidad na accredited ng BOC at sa halip, nire-recycle lamang. Kanya-kanyang diskarte lang ‘yan, di ba mga kosa?
Ang desisyon ni BBM ang mahalaga dito para maprotektahan ang karapatan nga mga stakeholders, maibalik ang tiwala ng mamamayan at mapalakas ang integridad ng BOC. Ang identity ng suwapang na BOC opisyal? Wait lang po! Abangan!
- Latest















